NCAA: SOLO LEAD NABAWI NG BLAZERS

Standings W L
Benilde 5 1
LPU 4 1
San Beda 4 1
Letran 3 2
JRU 3 2
Perpetual 3 3
Arellano 3 3
SSC-R 2 3
EAC 0 5
Mapua 0 6

Mga laro ngayon:
(Filoil EcoOil Centre)
12 noon – Arellano vs Mapua
3 p.m. – LPU vs Letran

NABAWI ng College of Saint Benilde ang solong pangunguna sa 73-61 panalo kontra wala pang panalong Emilio Aguinaldo College sa NCAA men’s basketball tournament kahapon sa Filoil EcoOil Centre.

Nakontrol ng Blazers ang fourth quarter nang makumpleto ni Prince Carlos ang three-point play upang bigyan ang kanyang koponan ng 63-52 kalamangan sa 8:39 mark.

Nahirapan sa opensa ang Generals sa payoff period kung saan nagtala lamang sila ng 4-of-18 mula sa field upang malasap ang ika-5 sunod na talo.

Kumawala ang Benilde, nalusutan ang 6-of-21 shooting sa huling 10 minuto ng laro, sa pagtatabla sa Lyceum of the Philippines University para sa best record sa liga na may 5-1 record.

Samantala, pinawalang-bisa ng NCAA Management Committee ang season-opening 66-55 win ng Mapua laban sa San Beda noong nakaraang September 10 makaraang magpasok ng ineligible player sa katauhan ni Gab Gamboa.

Dahil dito, ang Red Lions ay umakyat sa 4-1 habang nahulog ang Cardinals sa 0-6 sa team standings.

Sa ikalawang laro, sumalo ang University of Perpetual Help System Dalta sa walang larong Arellano University sa sixth place kasunod ng 61-57 pagdispatsa sa San Sebastian.

Bumanat ang Altas ng 10-0 finishing run upang umangat sa 3-3 record.

Sumalang sa unang pagkakataon magmula noong September 21, nalasap ng Stags ang ikatlong pagkatalo sa limang laro sa eighth spot.

Bumalik mula sa two-game absence, kumubra si Migs Oczon ng 14 points, 5 rebounds at 3 assists sa 26 minutong paglalaro para sa Blazers.

“I just trusted my teammates. I trusted the system,” sabi ni Oczon. “I’ll gonna repay yung ibinigay nilang tiwala.”

Ang Benilde ay 1-1 nang hindi maglaro si Oczon sanhi ng health issues at ang kanyang produksiyon ang naging susi sa ikalawang sunod na panalo ng kanyang koponan.

“For me naman, ‘yung confidence nandoon naman lagi. ‘Yung mindset ko lagi before the game is do the right things inside the court, be unselfish sa mga teammates ko at hindi magpipilit ng tira,” sabi ni Oczon. “Nag-flow lang yung game ko ngayon.”

Nagdagdag si Miggy Corteza ng 12 points, 8 boards at 2 blocks, habang naitala ni Will Gozum ang kanyang league-best fifth double-double na may 11 points at 13 rebounds para sa Blazers.

Sa likod ni Oczon, na-outscore ng bench ng Benilde ang EAC reserves, 41-16.

Iskor:
Unang laro:
Benilde (73) — Oczon 14, Corteza 12, Gozum 11, Carlos 9, Cullar 8, Pasturan 7, Nayve 6, Sangco 2, Lepalam 2, Marcos 2, Davis 0, Sumabat 0.
EAC (61) — Robin 15, Liwag 15, Maguliano 10, Bajon 4, Cosa 4, Tolentino 3, Doria 3, Umpad 3, Cosejo 2, Luciano 2, Balowa 0, Dominguez 0, Quinal 0.
QS: 24-13, 43-39, 57-52, 73-61
Ikalawang laro:
Perpetual (61) — Razon 14, Nitura 9, Omega 9, Flores 8, Abis 6, Martel 5, Barcuma 4, Egan 3, Roque 2, Boral 1, Ferreras 0, Cuevas 0.
SSC-R (57) — Villapando 14, Calahat 11, Yambing 9, Sumoda 8, Desoyo 7, Altamirano 5, Suico 3, Are 0, Escobido 0, Una 0, Cosari 0, Shanoda 0.
QS: 18-16, 28-27, 40-45, 61-57.