NCAA, UAAP SABAY MAGBUBUKAS SA SET. 7

MAGKASABAY na sisimulan ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) at ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) ang kanilang Season 100 at Season 87, ayon sa pagkakasunod, sa Setyembre 7.

Ipagdiriwang ng NCAA, ang pinakamatandang liga sa bansa, ang ika-100 taon nito sa isang grand opening ceremony sa Mall of Asia Arena.

Kikilalanin ng NCAA ang ‘100 Greatest Players’ nito sa opening ceremony.

Bubuksan naman ng UAAP ang Season 87 nito sa Smart Araneta Coliseum.

Matapos ang opening ceremonies ay idaraos ng parehong liga ang men’s basketball games.

Sa double-header ng NCAA ay tampok ang defending champion San Beda Red Lions laban sa hosts LPU Pirates, gayundin ang salpukan ng Season 99 top seed team Mapua at fourth seed team Saint Benilde Blazers.

Samantala, ang opening salvo ng UAAP ay ang sagupaan sa pagitan ng Season 86 second seed at eventual champ De La Salle Green Archers at ng third seed NU Bulldogs, gayundin ang bakbakan ng top seed noong nakaraang taon at hosts ngayong taon na UP Fighting Maroons at ng fourth seed Ateneo Blue Eagles.

Ito ang ikalawang pagkakataon na magkasabay na magbubukas ang NCAA at UAAP bagama’t idinaos na ng huli ang Esports tournament nito ngayong Agosto.

Ang una ay noong Marso 26, 2022 kung saan binuksan ng NCAA ang Season 97 at UAAP ang Season 84 matapos ang 2-year absence dahil sa COVID-19 pandemic.

Isinagawa ng NCAA ang opening nito sa La Salle Green Hills St. Benilde Gym habang ang UAAP ay nagbukas sa Mall of Asia Arena.