NCRPO, BID SANIB-PUWERSA SA OPLAN GREYHOUND

SINALAKAY ng pinagsanib na puwersa ng National Capital Region Police Ofiice (NCRPO)at ng Bureau of Immigration (BI) ang detention facility ng BI kung saan samut-saring kontrabando ang nakumpiska ng mga operatiba sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Si NCRPO Director MGen. Jonnel C Estomo ay nakipagsanib puwersa sa BI upang magsagawa ng Oplan Greyhound sa kanilang Warden Facility na isinagawa dakong alas-2 ng madaling araw sa nabanggit na Kampo sa Bicutan.

Ang Oplan Greyhound ay isinagawa ng magkasanib na elemento ng Bl sa pangunguna ni BGen. Honorio Agnila (RET) ; Regional Special Operations Unit; Regional Drug Enforcement Unit mula sa Regional Intelligence Division sa ilalim ng pangkalahatang pangangasiwa ng Col. Romano V Cardiño, C,RID kasama ang Regional Mobile Force Battalion, NCRPO at Intelligence Division, Bl.

Ang naturang operasyon ay nagresulta sa pagkakakumpiska ng ilang piraso ng kontrabando tulad ng cellular phones, laptops, internet routers and cords, sigarilyo, mahigit P500k cash at iba pang ipinagbabawal na gamit sa loob ng pasilidad.

Ang pasilidad ay kilala bilang isang pansamantalang detention at holding area para sa mga dayuhang napapailalim sa deportasyon.

Dagdag pa rito, isinagawa rin ang surprise drug test sa mga tauhan ng BI Detention Facility ng Forensic Group – Southern Team sa pangunguna ng PCT Merana.

Binigyang-diin ni Estomo na ginawa ang operasyon upang mapataas ang seguridad at kaayusan ng detensyon sa pasilidad. Ito, ayon sa kanya, ay isa sa mga hakbang sa seguridad na ipinatutupad upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng mga tauhan, nakatira, mga bisita, mga nakakulong/naka-hold na tao at mga nangungupahan sa loob ng kampo. EVELYN GARCIA