NCRPO FULL ALERT SA SEMANA SANTA

Chief-Supt-Guillermo-Eleazar

TAGUIG CITY – SI­MULA  bukas, naka-full alert ang Philippine National Police-National Capital Region Police Office (NCRPO)  bilang paghahanda sa seguridad sa Semana Santa.

Mula sa umiiral ngayong heightened alert, iniutos ni NCRPO chief Police Major General Guillermo Eleazar na iakyat ang antas sa full alert dahil sa inaasahang mass exodus sa iba’t ibang transport terminals sa Metro Manila kasabay sa paggunita ng Semana Santa.

Una ng inihayag ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na mahigit 11,000 pulis ang kanilang ide-deploy sa Metro Manila kaugnay sa paggunita sa Holy Week.

Ayon kay  Eleazar, ito ay dahil sa inaasahang pagdagsa ng sambayanang Filipino sa mga iba’t ibang transport terminals tulad ng paliparan at mga pantalan para gunitain ang  Semana Santa.

Bukod sa pinaigting na police visibility at foot patrol ay inutos ang dagdag na tauhan sa mga bus terminal, train stations, airports, seaports maging sa LRT at MRT stations.

Magsisimula ang Holy week sa Linggo ng palaspas sa Abril 14 at matatapos sa Abril 21.

Ang Huwebes Santo, Abril 18 at Biyernes Santo, Abril 19 ay pawang mga regular holidays habang ang Black Saturday, Abril 20 ay isang special non-working holiday.

Sa buong holy week ay kanselado ang lahat ng leave of absence ng mga  PNP personnel sa buong Metro Manila. VERLIN RUIZ

Comments are closed.