UMAKYAT na sa mahigit P151.3 milyon ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura dahil sa nararanasang epekto ng El Niño phenomenon sa bansa.
Sa ulat Task Force El Niño, ang Western Visayas at Zamboanga Peninsula ang pinakaapektado sa kasalukuyan kung saan nasa 4,000 mga magsasaka ang uminda sa labis na tagtuyot.
Batay sa datos ng Department of Agriculture, humigit-kumulang 93% ng pinsala ay sa bigas habang ang natitirang 6% ay sa mais.
Para matulungan naman ang mga magsasakang apektado ang kabuhayan dahil sa naturang weather phenomenon, direktang makakatanggap ng tulong mula sa DA at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang 4,000 magsasaka.
Nabatid na ilang alternatibong paraan sa pagsasaka para patuloy pa rin makapagtanim ng palay gaya ng alternate wetting at drying at bibigyan din ang mga ito ng alternatibong kabuhayan na maaaring pagkakitaan gaya ng pagbibigay ng domestic animals at livestocks.
Bukod sa direktang interbensyon ay na inaayos din ng pamahalaan ang mga irigasyon system para sa mga irrigatable farmland para matulungan ang mga magsasaka.
Samantala, bumaba sa 41 mula 50 ang bilang ng mga lalawigang apektado ng El Niño phenomenon, ayon sa state weather bureau.
Kung saan patuloy na nararanasan ang tagtuyot sa Apayao, Benguet, Cagayan, Cavite, Ifugao, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Kalinga, La Union, Mountain Province, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, Palawan, at Pangasinan
Tinitiyak naman ni Secretary of National Defense Gilberto C. Teodoro Jr. kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na epektibong kumikilos ang Task Force El Niño katuwang ang mga local disaster risk reduction and management councils (DRRMCs) para mabawasan ang ang epekto ng weather phenomenon lalo na sa kabuhayan.
Sa ginanap na task force meeting na pinamunuan nina Secretary Teodoro sa Camp Aguinaldo, kasama si Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Marlo L. Iringan ay inalerto ang mga director ng DRRMCs at mga LGUs kaugnay sa mga gagawing hakbang para makatugon sa epektong dulot ng El Niño.
“Our local chief executives and DRRMCs are in the best position to determine the needs of their communities during crisis and emergencies,” ani Secretary Teodoro.
“As in any disaster or calamity, the provincial, city, municipal and barangay-level DRRMCs should take the lead and get involved,” ani Secretary Teodoro kay Undersecretary Iringan .
VERLIN RUIZ