MAKARAANG pumalo sa 7.6% ang gross domestic product (GDP) growth sa third quarter ng taon, nagpahayag ng kumpiyansa ang National Economic and Development Authority (NEDA) na matatamo ng ekonomiya ang target growth band nito para sa buong bansa.
“Malakas po ang aming kumpyansa na we will really be attaining ‘yung [target],” pahayag ni NEDA Undersecretary Rosemarie Edillon sa isang public briefing.
Nagtakda ang administrasyong Marcos ng target band na 6.5% hanggang 7.5% GDP growth para sa 2022.
Ang GDP ng bansa ay lumago ng 7.6 percent sa third quarter ng 2022, mas mabilis kumpara sa adjusted 7.5% GDP growth na naitala sa second quarter ng taon.
Ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan, kinakailangan lamang ng bansa na lumago ng 3.3% sa fourth quarter upang makamit ang lower end ng target band.
Para naman matamo ang upper end ng target, ang ekonomiya ay kailangang lumago ng 6.9% sa fourth quarter ng taon.
Gayunman, sinabi ng NEDA official na para matamo ang growth target ay kailangang matugunan ng pamahalaan ang mataas na inflation.
“Going forward ‘yun po ang unang masolusyonan natin. Kailangan mapababa natin itong mga inflation, especially ang presyo ng mga pangunahing bilihin lalo na ang pagkain,” sabi ni Edillon.