CAVITE- BUMAGSAK sa kamay ng PNP Intelligence unit ng Tiaong ang tatlong pangunahing suspek na responsable sa pagpatay sa dalawang babae sa isang hot pursuit operation sa isang Mansion house sa Barangay Kaybagal North , Tagaytay City.
Personal na inihayag ni BGen. Jose Melencio Nartatez Jr, Calabarzon police director ang mga suspek na sina Danny de Guzman, 39-anyos, driver ng getaway car; Randy Malabanan, 44-anyos, gunman at Totie Laigo, 64-anyos, negosyante at bumaril ng ilang beses sa mga biktima.
Base sa report ng pulisya, si Malabanan ay minsan nang nakulong sa paglabag sa R.A 10591 o illegal possession of firearms.
Ang tatlong naaresto ang sinasabing bumaril at pumatay kina Lanie Caya, 26-anyos, naninirahan sa Barangay San Juan at Jessica Tambado, 28-anyos ng Barangay Lalig, Tiaong , Quezon nitong Nobyembre 29.
Naganap ang krimen dakong alas-10 ng gabi sa mismong bahay ni Tombado na ayon sa nakuhang impormasyon ng pulisya ay karelasyon ni Laigo.
Ang pagkakakilanlan sa tatlo ay bunsod ng walang tigil na paghahanap ng mga awtoridad ng mga testigo at CCTV footages na makapagbibigay linaw sa kaso.
Sa ginawang pagrebisa sa CCTV, natunton at positibong natukoy ang mga suspek at ang sasakyan na ginamit sa krimen.
Agad na nagbuo ng tracker team ang awtoridad para matunton ang kinaroroonan ng mga salarin at dito na lumitaw na sa isang eksklusibong mansion na pag-aari ni Laigo sa Tagaytay nagtatago ang mga ito.
Narekober sa tatlo ang dalawang Glock 40 Gen pistol at isang magazine na may pitong live bullets, isang Gold colt Cup trophy model caliber 45 at mga bala na siyang ginamit sa pagpatay sa dalawang biktima.
Nakuha rin ang isang puting sedan na sinakyan ng tatlo sa kanilang pagtakas.
Love triangle ang motibo tinitignan ng mga imbestigador sa krimen kung saan sinabi ni Laigo na niloko at ipinagpalit umano siya ni Tombado sa ibang lalaki matapos makuha ang kanyang milyon milyon pisong halaga ng salapi at maging mga ari- arian na kanyang ipinangalan sa biktima.
Nakakulong ngayon sa Region 4A PNP custodial facility ang mga suspek. ARMAN CAMBE