NEGOSYANTE, ANAK NIRATRAT NG RIDING-IN-TANDEM SUSPECTS

riding in tandem

LAGUNA –  PATAY sa pamamaril ng riding in tandem suspects ang 41-anyos na lalaking negosyante kabilang ang kanyang anak na binata sa harap mismo ng kanilang tirahan sa Brgy. Banaba, bayan ng Famy kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni PCapt. Marlon Comia, hepe ng pulisya na si Rex Ventulan Capistrano, biyudo, at anak nitong si Pitt Lancel, 23-anyos, bunsod ng ilang tama ng bala na tinamo ng mga ito sa kanilang katawan.

Bandang alas-6:45 ng gabi base sa resulta ng pagsisiyasat ni PCpl. Ciriaco Padua, may hawak ng kaso ng maganap ang insidente habang aktong nakaupo sa loob ng kanyang kotse ang biktima nang biglang sumulpot ang mga suspek bago malapitang pinagbabaril.

Dahil dito, nagtangka pang lumaban ang biktimang si Pitt Lancel sa mga suspek para ipagtanggol ang kanyang ama na siyang nakasaksi sa krimen matapos batuhin nito ng mono block chair ang isa sa gunmen subali’t agarang binalingan ito bago pinagbabaril sa kanyang dibdib gamit ang kalibre 45 baril.

Mabilis na tumakas ang mga suspek na pawang nakasuot ng helmet at itim na jacket lulan sa isang kulay orange na motorsiklo patungo ng Real, Quezon samantalang naiwan sa lugar habang aktong nag-aagaw buhay ang mga biktima. DICK GARAY

Comments are closed.