LAGUNA – TIMBOG sa mga kagawad ng Sta. Cruz-PNP Drug Enforcement Unit (DEU) ang 31-anyos na negosyante matapos ang ikinasang drug buy bust operation ng mga ito sa Sitio Bongavilla, Brgy. Bubukal, ng bayang ito kahapon ng madaling araw.
Batay sa ulat ni PLt. Col. Armie Agbuya, hepe ng pulisya kay Laguna- PNP Provincial Director PCol. Eleazar Matta, nakilala ang suspek na si Alexis Davac, residente ng Tramo St., Brgy. Sampaloc, Pagsanjan.
Sinasabing napabibilang sa drugs watchlist ng pulisya ang suspek kung saan matagal ng target ng mga ito sa lugar.
Bandang alas-12:30 ng madaling araw base sa isinagawang pagsisiyasat nang magkasa ng buy bust operation ang mga tauhan ni Agbuya sa loob mismo ng compound ng nasabing sabungan habang isa sa mga ito ang nagpanggap na buyer gamit ang halagang P1,000.
Nabatid na matapos ang naganap na transaksiyon, nagtangkang tumakas patungo sa loob ng sabungan ang suspek dahilan para magtakbuhan ang mga tao na nasa loob kasunod ng pag-aresto.
Nakumpiska sa suspek ang pitong sachet ng small heatsealed transparent plastic sachet ng shabu na umaabot sa halagang P17,000.
Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa Sta. Cruz-PNP detention cell kung saan nahaharap sa paglabag sa Section 5 and 11 in Relation to RA-9165 na walang kaukulang piyansa para sa pansamantala nitong paglaya. DICK GARAY
Comments are closed.