DALAWA ang namatay kabilang ang siyam na taong gulang na batang babae matapos sumiklab ang sunog sa Caloocan City nitong Martes ng gabi.
Kinilala ni City Fire Marshall Bureau of Fire Protection (BFP) Supt. Jeffrey Atienza ang mga biktima na sina Patricia Sazota, 9-anyos at alyas “Jing-Jing, 40-anyos, kapwa ng residente ng Brgy. 8.
Ayon kay Supt. Atienza, dakong alas-10:03 ng gabi nang sumiklab ang sunog sa isang bahay sa Sugpo Covered Court, Brgy. 8, Caloocan City na naging dahilan upang agad magtulong-tulong ang magkakapitbahay na apulahin ang apoy hanggang sa dumating ang mga bumbero.
Dahil masikip ang nasabing lugar ay nahirapan ang mga bumbero kaya kinakailangan nilang umakyat sa bubong ng mga bahay hanggang sa idineklarang undercontrol ang sunog na umabot sa unang alarma dakong alas-10:24 ng gabi.
Bandang alas-11:50 ng gabi nang idineklarang fire out ang sunog na ayon sa BFP ay nasa apat na bahay ang natupok ng apoy habang inaalam pa kung magkano ang halaga ng ari-arian ang napinsala sa nasabing insidente.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang sanhi ng sunog habang nagpaalala naman ang BFP na pag-ibayuhin ang pag-iingat lalo na ngayong panahon ng fire prevention month. EVELYN GARCIA