NAGLUKSA ang Senado at ang sambayanan sa pagpanaw ng tinaguriang ama ng local government code na si dating Senate President Aquilino ‘Nene’ Pimentel Jr. dahil sa cancer.
Nagpaabot din kaagad ng pakikiramay ang Palasyo ng Malakanyang at ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, malungkot ang araw na ito para sa bansa.
Si Pimentel ay pumanaw dakong alas-5:00 ng madaling araw sa edad na 85.
Pinasalamatan din ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte si Pimentel bilang isa sa mga miyembro ng consultative committee na naatasang mag-review ng 1987 Constitution para sana sa Federalismo.
Sa isa namang pahayag, sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na nalungkot siya at ang kaniyang pamilya sa pagpanaw ni Pimentel at tila nawalan umano sila ng “close relative.”
Sinabi ni Sotto na idolo rin niya si Pimentel.
Ayon naman kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na ang pagpanaw ni Pimentel ay malaking kawalan sa Mindanao at sa buong bansa.
Si Pimentel ay “one of the great pillars of our country’s democracy in the last 50 years” pahayag naman pa ni Zubiri.
Nagpasalamat si Senador Kiko Pangilinan kay Pimentel para sa kaniyang mga sakripisyo sa bansa lalo na sa paninindigan laban sa diktadurya ni dating presidente Ferdinand Marcos.
Ibinigay aniya ni Pimentel ang kaniyang kaalaman at boses para mabigyan ng empowerment ang local government.
Habambuhay na nakaukit sa kasaysayan ng Filipinas na isa si Pimentel sa higanteng personalidad na naging kampeon sa pag-susulong ng demokrasya, electoral reform, at malakas na local governance.
Comments are closed.