NETFLIX, YOUTUBE, FB ADS BUBUWISAN

netflix-FB ADs-youtube

PINAG-AARALAN na ng Department of Finance (DOF), sa pamamagitan ng attached agency nito na Bureau of Internal Revenue (BIR), kung paano bubuwisan ang digital activities tulad ng online sales at streaming services.

Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na tinitingnan ngayon ng DOF at BIR ang mga panukala na patawan ng buwis ang mga serbisyong iniaalok ng mga kompanyang gaya ng Netflix at Lazada.

“We have started the study on improving our tax collections on video streaming, on commerce conducted through the internet,” wika ni Dominguez.

“What we are trying to figure out is how we can implement a tax collection program, so now our team from the BIR and the DOF is working very hard to determine the way to tax transactions that are supposed to be taxed but are escaping taxation because they are on the internet,” dagdag pa niya.

Para makadagdag ng pondo sa bansa ay inirekomenda ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda na buwisan ang international digital services gaya ng Netflix at Spotify, at advertisements sa Facebook at YouTube sa ilalim ng House Bill 6765 o ang “Digital Economy Taxation Act of 2020”.

Ayon kay Salceda, posibleng  umabot sa P29.1 billion kada taon ang kikitain ng pamahalaan dito na maaaring ipandagdag sa pondo kontra COVID-19.

Paglilinaw ng kongresista, hindi ito bagong buwis kundi oobligahin lamang ang mga industriya gaya ng digital economy na magbayad para pantay sa lahat ng negosyo sa bansa.

Inihalimbawa ng mambabatas ang Netflix na nagbabayad naman ng buwis sa Indonesia, India at mga bansa sa Europa kaya bakit hindi ito gawin sa Filipinas.

Bukod dito, balak na ring pagbayarin ang Lazada at Shopee ng VAT habang ang mga partner driver nito na transport network vehicle service  (TNVS) tulad ng Grab at Angkas ay sisingilin ng income tax.

Comments are closed.