NETS BALIK ANG INIT

NAGBUHOS si Kevin Durant ng 33 points at nag-init si Kyrie Irving sa huling bahagi ng laro upang tulungan ang Brooklyn Nets na maiposte ang 108-102 panalo kontra NewOrleans Pelicans nitong Biyernes.

Naghabol ang Nets, na naputol ang 12-game NBA winning streak sa Chicago noong Miyerkoles, 64-53, sa half-time subalit hindi bumitiw sa third quarter.

Kumalawit din si Durant ng 10 rebounds, ang ika- 111 pagkakataon sa kanyang career na gumawa siya ng pinagsamang 30 plus points na may double figure rebounds.

Ang Pelicans ay naglaro na wala ang kanilang dalawang star performers kung saan sina Zion Williamson at Brandon Ingram ay kapwa naka-sideline pa dahil sa injuries, subalit naging agresibo sila sa matinding bakbakan.

Naging mainit ang simula ng New Orleans at kinuha ang 10-point lead sa first quarter matapos ang three-pointer mula kay Naji Marshall at pagkatapos ay sinimulan nila ang second quarter sa 13-1 run.

Subalit naging matatag ang Nets at na-outscore ang Pelicans, 35-21, sa third quarter at isinalpak ni Irving, umiskor ng 19 points, ang isang 30-foot three-point jumper, may 43 segundo ang nalalabi upang ilagay ang talaan sa 106-100 bago ipinasok ang dalawang free throws upang kunin ang panalo.

“It was a tale of two halves, even though we didn’t get our shots to fire early on, or throughout the whole game, we just kept on pushing, it was a solid win for us,” sabi ni Durant.

Umangat ang Brooklyn sa 26-13 habang nahulog ang Pelicans sa 24-15 matapos ang kanilang ika-5 kabiguan sa home court ngayong season.

Hornets 138, Bucks 109

Napantayan ng Charlotte Hornets ang NBA record para sa pinakamaraming puntos sa opening quarter ng laro nang gumawa ng 51 points kontra Milwaukee Bucks.

Napantayan ng haul ang record na naitala ng Golden State Warriors kontra Denver Nuggets noong 2019.

Naitala ng Hornets, nasa ilalim ng standings sa East, ang 138-109 panalo laban sa second-placed Bucks.

Kumana si Terry Rozier ng season-high 39 points para sa Hornets habang nalimitahan si Giannis Antetokounmpo, may average na 32.7 points per game, sa siyam na puntos lamang.

Bulls 126, 76ers 112

Naputol ang 11 sunod na home wins ng Philadelphia 76ers nang malasap ang 126-112 sa Chicago Bulls, na pinangunahan ng three-point shooting ni Zach LaVine.

Naipasok ni LaVine ang 11 sa 13 three-pointers at umiskor ng 41 points habang nagdagdag si Nikola Vucevic ng 19 point, 18 rebound, 10 assist, triple-double.

Naglaro ang 76ers na wala si key man Joel Embiid, na lumiban sa ikalawang sunod na laro dahil sa sore left foot at naputol ang kanilang 12-game winning streak kontra Bulls.

Sa iba pang laro, naitala ng New York Knicks ang ika-4 na sunod na panalo nang gapiin ang Toronto Raptors, 112-108.

Nanguna para sa Raptors si Julius Randle na may 32 points at 11 rebounds.