NETS GUTAY SA HAWKS

UMISKOR si Trae Young ng 36 points — siyam sa huling minuto — upang tulungan ang  Atlanta Hawks na malusutan ang career-high 55-point night ni Kevin Durant at maitakas ang 122-115 panalo kontra bisitang Brooklyn Nets nitong Sabado.

Makaraang matapyas ng Brooklyn ang kalamangan ng Atlanta sa 111-108 sa dunk ni Durant, may 1:25 ang nalalabi, umiskor si Young sa isang floater at 3-pointer upang ibalik ang bentahe sa 8 points, may  23.5 segundo ang nalalabi. Ang Hawks ay 6-for-6 sa line sa final minute, apat kay Young, upang makalayo.

Nakopo ng Atlanta ang ika-5 sunod na panalo at umangat sa No. 8 sa Eastern Conference, habang nahulog ang Brooklyn sa 10th spot. Si Young ay 10-for-24 mula sa floor, apat dito ay 3s, at 12-for-14 mula sa line, na sinamahan ng 10 assists at 6 rebounds para sa kanyang ika-39 double-double. Nagdagdag sina  De’Andre Hunter at Danilo Gallinari ng tig-15.

Si Durant ay 19-for-28 mula sa floor at 8-for-10 sa 3-pointers na may 7 rebounds at nahigitan ang kanyang career high na 54 points laban sa Golden State noong miyembro pa siya ng Oklahoma City Thunder noong 2014. Tumipa si Kyrie Irving ng 31 points, kabilang ang pitong 3s, at 6 assists. Ang Nets ay natalo ng tatlo sa apat na laro.

HEAT 127,

BULLS 109

Tumirada si Jimmy Butler ng 22 points, at nagdagdag si Kyle Lowry ng 19 points at game-high 10 assists nang gapiin ng Miami ang host Chicago.

Nanguna si Zach LaVine para sa Bulls na may game-high 33 points sa 11-for-21 shooting, kabilang ang 5-for-12 sa 3-pointers. Ang Bulls, na naputol ang two-game win streak, ay nakakuha rin ng 26 points mula kay DeMar DeRozan, na nagbuhos ng 50 points sa kanyang naunang laro.

Nakakuha rin ang Miami, nangunguna sa Eastern Conference at winalis ang lahat ng apat na laro sa Chicago ngayong season, ng 19 points mula sa bench kay Tyler Herro. Kumalawit din si Butler ng 7 rebounds at nagbigay ng 6 assists, at umangat ang Heat sa 23-15 sa road.

Sa iba pang laro, pinulbos ng Cavaliers ang Knicks, 119-101; tinambakan ng 76ers ang Hornets, 144-114; at pinadapa ng Warriors ang Jazz, 111-107.