KUMAMADA si Kyrie Irving ng 21 points sa kanyang unang laro sa loob ng halos dalawang buwan nang maitala ng Brooklyn Nets ang 108-86 panalo laban sa Atlanta Hawks noong Linggo ng gabi sa New York.
Nagbalik si Irving mula sa 26 games na pagliban dahil sa right shoulder impingement. Sa kanyang unang laro magmula noong Nob. 14 sa Denver, ang All-Star guard ay nagtala ng 10 of 11 shots, nagsalpak ng isang 3-pointer at nagbigay ng 3 assists sa loob ng 20 minuto.
Lumamang ang Nets, 13-13 sa pagkawala ni Irving, ng hanggang 39 points at nakopo ang ikalawang sunod na panalo matapos ang seven-game losing streak.
SPURS 105,
RAPTORS 104
Umiskor si DeMar DeRozan ng 25 points — 22 sa second half – at binura ng bumibisitang San Antonio ang 18-point deficit upang gapiin ang Toronto.
Naipasok ni DeRozan, bumanat ng 20 points sa 11 sunod na laro, ang dalawang free throws, may siyam na segundo ang nalalabi, na naging game-winning points makaraang bigyan ng 3-pointer ni Marco Belinelli ang Spurs ng kalamangan.
Naisalpak ni Kyle Lowry ang isang 3-pointer, may limang segundo sa orasan, upang lumapit ang Toronto ng isang puntos.
NUGGETS 114, CLIPPERS 104
Tumipa si Nikola Jokic ng 20 points at 15 rebounds para sa kanyang ika- 21 double-double sa season, habang nag-ambag si Jamal Murray ng 19 points, kabilang ang 10 sa foul line, upang pangunahan ang host Denver laban sa Los Angeles.
Gumawa si Gary Harris ng 15 points at nagdagdag sina Michael Porter Jr. ng 13 at Monte Morris ng 12 para sa Nuggets, na may pitong players na umiskor ng double figures.
Nagbuhos si Kawhi Leonard ng 30 points, habang tumipa sina Lou Williams ng 26 at Montrezl Harrell ng 25 para sa Clippers, na naglaro na wala si Paul George (hamstring injury).
Tinapyas ng Los Angeles sa anim ang 20-point lead sa final minuto subalit hindi nakumpleto ang rally.
KNICKS 124,
HEAT 121
Isang free throw ni Taj Gibson, may 1:38 sa orasan, ang nagbigay sa New York ng kalamangan tungo sa panalo kontra Miami.
Kumana si Julius Randle ng game-high 26 points upang pangunahan ang pitong players sa double figures para sa Knicks, na pinutol ang five-game skid makaraang ma-outscore ang Heat, 40-27, sa fourth quarter.
Tumapos si Jimmy Butler na may 25 points at 10 rebounds para sa Heat, na nalasap ang ikalawang sunod na kabiguan para sa kanilang unang losing streak sa season.
Sa iba pang laro ay ginapi ng Jazz ang Wizards, 127 -116; namayani ang Grizzlies sa Warriors, 122 -102; at pinaso ng Suns ang Hornets, 100 -92.
Comments are closed.