NAGBUHOS si Kevin Durant ng 23 points sa loob lamang ng 31 minuto nang ipalasap ng Brooklyn sa inaalat na host Miami ang season-high fourth straight loss nito,110-95.
Ang Nets, umabante ng hanggang 37 points, ay nanalo ng pito sa kanilang huling siyam na laro. Nakakuha rin sila ng double-double mula kay Andre Drummond (13 points, 11 rebounds) at 17 points kay Seth Curry, na nagbalik mula sa sore left ankle.
Bumagsak ang Heat sa percentage points sa likod ng walang larong Philadelphia 76ers sa duelo para sa first place sa Eastern Conference. Nanguna si Bam Adebayo para sa Miami na may14 points, at tumipa si Tyler Herro ng 13 points sa kanyang pagbabalik mula sa two-game knee-injury absence.
RAPTORS 131, PACERS 91
Kasunod ng paglikas ng audience at ng pagkakaantala ng mahigit isang oras, nakumpleto ng Toronto Raptors ang 131-91 pagbasura sa bisitang Indiana Pacers.
Isang isyu sa arena speaker ang nagresulta sa maliit na electrical fire simula sa first quarter ng laro sa Scotiabank Arena. Ipinag-utos ng mga opisyal ng Toronto Fire Service ang paglikas ng capacity crowd, at nilisan ng mga koponan ang court, may 4:05 ang nalalabi sa second quarter at abante ang Raptors sa 66-38.
Nagpatuloy ang dominasyon ng Toronto matapos na ma-delay ng 65 minuto at walang fans sa mga upuan. Pinangunahan ni Pascal Siakam ang balansiyadong scoring attack sa pagkamada ng 23 points sa 10-of-15 shooting. Nagdagdag si Scottie Barnes ng 19 points sa 8-of-11 shooting at napantayan ang pitong assists ni Siakam. Mula sa bench ay kumalawit si Chris Boucher ng game-high 10 rebounds at nag-ambag ng 15 points.
Bumuslo si Precious Achiuwa ng 4-of-5 mula sa 3-point range mula sa bench tungo sa 18 points, habang tumirada si OG Anunoby ng 3-of-5 mula sa 3-point area at tumapos na may 16 points.
Nanguna si Oshae Brissett para sa Indiana na may 21 points, umiskor si Justin Anderson ng 18 at nagdagdag si Jalen Smith ng 15. Nagbigay si Tyrese Haliburton ng game-high 12 assists.
Sa iba pang laro, pinulbos ng Grizzlies ang Bucks, 127-102; nasingitan ng Bulls ang Cavaliers, 98-94; ginapi ng Spurs ang Pelicans, 107-103; nadominahan ng Kings ang Magic, 114- 110 (OT); pinatahimik ng Nuggets ang Thunder, 113-107; at pinasabog ng Rockets ang Trail Blazers, 115- 98.