NAUNGUSAN ng Brooklyn Nets ang Miami Heat, 102-101, sa game-winner ni Royce O’Neale, subalit nagtamo si superstar Kevin Durant ng knee injury sa third quarter.
Si Durant, may average na 30 points per game para sa Nets, ay na-injure mahigit isang minuto ang nalalabi sa third nang tumalon si Australian teammate Ben Simmons upang supalpalin ang tira ni Jimmy Butler, na bumagsak kay Durant.
“He’ll get evaluated tomorrow and then hopefully I’ll have more info,” sabi ni Nets coach Jacque Vaughn. “Most likely it will include imaging, just to make sure we’re good.”
Nanguna si Kyrie Irving para sa Nets na may 20 points. Tumapos si Durant na may 17sa 30 minutong paglalaro at nagparamdam si O’Neale makaraang umabante ang Heat ng hanggang 9, may 9:24 ang nalalabi.
Angat ang Miami sa 101-100 matapos ang pares ng baskets mula kay Butler subalit nang magmintis si Irving sa isang three-pointer, may 5.5 segundo ang nalalabi, nakuha ni O’Neale ang rebound at kinamada ang game-winner.
Nanguna si Butler para sa Miami na may 26 points ngunit nagmintis sa layup sa buzzer.
76ers 123, Pistons 111
Humataw si James Harden ng 20-point triple-double upang tulungan ang short-handed Philadelphia 76ers na maiposte ang 123-111 panalo kontra Pistons.
Nagdagdag si Harden ng 11 rebounds at 11 assists sa kanyang ikalawang triple-double sa season at nakakuha ng sapat na suporta sa kabila ng patuloy na pagliban nina star center Joel Embiid at P.J. Tucker.
Si Embiid ay hindi naglaro sa ikatlong sunod na game dahil sa sore left foot habang si Tucker ay may sinus infection.
“He was terrific,” ani Sixers coach Doc Rivers patungkol kay Harden subalit sinabing isa itong “good team performance.”
Grizzlies 123, Jazz 118
Umiskor si Desmond Bane ng 24 points at nagbigay ng 9 assists nang gapiin ng Grizzlies ang Jazz.
Hindi naglaro para sa Grizzlies ang kanilang top scorer na si Ja Morant dahil sa sore right thigh. Sa kanyang pagkawala, ang opensa ay dumaloy kay Tyus Jones na nagbuhos ng 21 points at 6 assists para sa Grizzlies na kinuha ang ika-6 na sunod na panalo.
Umangat ang Memphis, na naglaro rin na wala si ailing center Steven Adams, sa 26-13, katabla ang Western Conference leader Denver.
Samantala, nalasap ng Mavericks, naglaro na wala si Luka Doncic dahil sa sore ankle, ang 120-109 pagkatalo sa Thunder sa Oklahoma City.
Umiskor si Shai Gilgeous-Alexander ng 33 points para sa Thunder, na nalusutan ang mainit na simula ng Mavs at hindi kailanman naghabol sa second half.
Sa Houston, naghabol ang Minnesota Timberwolves ng hanggang 20 sa first half at nahaharap sa 4-point deficit papasok sa fourth quarter, subalit humabol sila upang gapiin ang Rockets. 104-96.