NETS NO. 6 SA PLAYOFFS

NALUSUTAN ni Nikola Jokic ang sugat sa ulo upang tumapos na may 35 points at 16 rebounds habang umukit ng kasaysayan sa NBA nang pataubin ng host Denver Nuggets ang Memphis Grizzlies, 122-109, noomg Huwebes ng gabi para kunin ang top-six spot sa Western Conference playoffs.

Si Jokic ay naging unang  NBA player na nakalikom ng  2,000 points, 1,000 rebounds at 500 assists sa isang season. Nangailangan siya ng 31 points upang marating ang milestone at bumalik sa fourth quarter upang makamit ang marka. Nagtamo siya ng sugat sa ulo sa unang minuto ng laro nang aksidenteng masiko ni Grizzlies’ Jaren Jackson Jr.

Tumipa si Aaron Gordon ng 22 points, umiskor sina Bones Hyland at Will Barton ng tig- 16 at nag-ambag si Monte Morris ng 10 para sa Nuggets, na nanalo sa ika-5 pagkakataon sa pitong laro.

Kumubra si Desmond Bane ng 14 points upang pangunahan ang pitong Memphis players sa double-figures scoring. Natalo ang Grizzlies, pumapangalawa sa West, ng dalawang sunod matapos ang 11-1 stretch.

Sa iba pang laro ay pinataob ng Bucks ang Celtics, 127- 121; ginapi ng Warriors ang Lakers, 128-112; namayani ang Hornets sa Magic, 128-101; dinispatsa ng Pelicans ang Trail Blazers, 127-94; ibinasura ng Timberwolves ang Spurs, 127-121; at nadominahan ng Raptors ang  76ers, 119-114.