NEW GOAL: HIDILYN NAKATUON SA 2024 PARIS OLYMPICS

hidilyn diaz

BAGAMAN dalawang taon pa mula ngayon, sinalubong ni weightlifter at Olympic gold meda­list Hidilyn Diaz ang bagong taon na may bagong goal: ang sumabak sa 2024 Summer Games sa Paris, France.

Sa isang Instagram post nitong Sabado, ibinahagi ni Diaz ang kanyang larawan at ng kanyang Team HD na magkakasamang hawak ang maliit na statue ng Eiffel Tower.

Ipinost niya ito na may caption na: “New Year. New Beginning. New Goal.”

Ginamit din ni Diaz ang hashtags #paris2024, #olympics, #olympicweightlifting, at #TeamHD.

Makaraang umukit ng kasaysayan noong nakaraang taon sa pagwawagi ng kauna-unahang Olympic gold medal ng Pilipinas sa Tokyo Summer Games, sinabi ni Diaz na hindi siya sigurado kung kakayanin pa ng kanyang katawan at mental health na sumabak sa international sporting event.

Bilang pagkilala sa kanyang tagumpay, si Diaz ay tumanggap ng cash incentives, properties, lifetime free flights at  gas supply mula sa public at private sector.

Nakakuha rin si Diaz ng isa pang “gold” noong Oktubre ng nakaraang taon nang maging engaged sa kanyang partner at coach na si Julius Naranjo.