SANGKATUTAK na naman ang New Year’s Resolution ng marami sa atin. Napakadali nga lang naman ang gumawa ng listahan ng mga gusto nating gawin o ma-improve sa ating sarili, gayundin ang nais nating baguhin.
Sa usapang paggawa ng listahan ng nais baguhin ngayong 2019, tiyak na napakarami nating mailalagay. Tiyak ding hindi tayo mahihirapan sa pag-iisip ng mga gusto nating gawin, ma-improve at baguhin sa ating sarili o sa nakagawian.
Excited pa nga ang marami sa atin sa paggawa ng New Year’s resolution. Pero ang laging tanong diyan: maisasakatuparan mo ba ang lahat ng iyong inilista? Ilan sa inilista mo ang magagawa mo? Ano-ano rin sa mga gusto mong baguhin sa iyong sarili ang susukuan mo?
Simple nga naman ang paggawa ng New Year’s resolution. Pero ang mahirap ay kung paano ito magagawa.
At dahil sangkatutak ang nag-iisip o naglilista ng New Year’s resolutions, narito ang ilang tips nang malampasan o magawa ito:
GAWING SIMPLE AT MAKATOTOHANAN
Simple at makatotohanang resolution, isa iyan sa kailangan nating isaalang-alang kung mag-iisip o gagawa tayo ng listahan ng mga gusto nating ba-guhin, ma-improve at gawin sa panibagong taon.
May ilan nga namang para lamang makagawa ng New Year’s resolution, lahat ng maisipan nilang gawin o isulat ay inilalagay.
Oo, marami nga naman talaga tayong gustong baguhin sa ating sarili. Hindi rin mabilang-bilang ang mga nais nating ma-achieve sa buhay. Gayun-paman, sa paggawa ng resolution, gawin itong simple at makatotohanan.
Huwag ka namang maglagay ng sobrang imposible dahil kapag hindi mo iyan nagawa, maiinis ka at madi-disappoint.
GUMAWA NG LISTAHAN
Nakasanayan na ng marami sa atin ang paggawa ng listahan ng resolution. Sa tuwing sasapit nga naman ang Bagong Taon, lagi’t laging nag-iisip at gumagawa ang karamihan sa atin ng listahan ng mga gusto nilang baguhin, pag-igihan at gawin sa kanilang buhay.
Sabihin mang ilan sa resolutions na ginagawa natin ay hindi naisasakatuparan, mainam pa rin talaga ang paggawa ng listahan. Kapag mayroon kasi tayong listahang magiging gabay sa ating gagawing pagbabago, mas gaganahan tayong isakatuparan iyon. Mas maeengganyo tayong gawin.
Kaya naman, sabihin mang natutupad o hindi ang karamihan sa isinusulat nating New Year’s resolution, mahalaga pa ring magkaroon tayo ng gabay. At ang gabay na iyan ay ang listahang ating gagawin.
I-check din ang resolutions na magagawa o maisasakatuparan.
SUMUPORTA AT HUMINGI NG SUPORTA
Kapag mayroong sumusuporta sa ating ginagawa ay mas lalo tayong ginaganahang gawin iyon.
Kaya isa ring magandang paraan upang ma-achieve ang resolution ay ang paghingi ng suporta sa mga kaibigan o kapamilya.
Tiyak namang hindi lamang ikaw sa pamilya o mga kaibigan mo ang may New Year’s resolution.
Mainam na pag-usapan ninyo ang inyong mga New Year’s resolution at magtulungan kayo kung paano ninyo ito maisasakatuparan.
HUWAG NA HUWAG SUSUKO
Sa tuwing magbabago o sasapit ang panibagong taon, excited ang marami sa atin sa paggawa ng New Year’s resolution. Minsan, makalipas lamang ang isang buwan ay tinatamad na tayong gawin o tapusin ang resolutions na inilista natin.
Kunsabagay, mahirap nga namang tuparin ang lahat ng mga isinusulat natin sa ating resolutions. Gayunpaman, gaano man iyan kahirap ay huwag na huwag tayong susuko.
Mag-effort tayong tuparin ang New Year’s resolutions natin. Masarap sa pakiramdam ang natutupad ang mga ito—unti-unti man ang pagtupad nito.
KAPAG MAY HINDI NAGAWA, SUBUKAN ULIT
Okey, may ilan na gustong tumigil sa bisyo gaya ng pag-inom at paninigarilyo. Sa totoo lang, tunay nga namang may masamang naidudulot sa ka-lusugan ang kaliwa’t kanang bisyo.
Madaling sabihing gusto mong itigil ito pero sobrang hirap naman gawin.
Oo, sabihin na nating gusto nating bawasan o itigil ang bisyong mayroon tayo, pero hindi iyan agad-agad na nawawala o natitigil. Kung minsan pa, hirap na hirap tayong simulan ang pagbabagong nais natin.
Hindi mo man magawa sa unang subukan, hindi ibig sabihin niyon ay aayaw ka na. Subukan mo ulit. Malay mo, sa kasusubok mo ay malampasan o magawa mo ito.
KAGUSTUHAN
Kung gusto talagang gawin o tuparin ang kung anumang isinulat natin sa ating New Year’s resolutions, magagawa natin iyan gaano man ito kahirap. Kaya ang tanong diyan, gaano mo ba kagustong tuparin ang resolutions mo? Walang ibang makapagsasabi niyan kundi ikaw. Wala ring ibang maka-tutupad niyan kundi ikaw lamang. Kaya’t nakadepende sa iyo kung magagawa mo ba o hindi ang iyong New Year’s resolutions.
Sa tuwing magpapalit ang taon, hindi nawawala ang New Year’s resolutions. Ikaw ano-ano ang New Year’s resolutions mo? Gaano mo kagustong matupad o maisakatuparan ang mga ito? CT SARIGUMBA
Comments are closed.