NFA RICE NA MAY AMOY IIMBESTIGAHAN NG DA

NFA RICE-7

SISIYASATIN ng Department of Agriculture (DA) ang mga ulat na may amoy ang mga bigas na nagmumula sa National Food Authority (NFA), ayon kay Secretary William Dar.

Sa virtual meeting ng House Committee on Agriculture, sinabi ni Nueva Ecija Rep. Estrellita Suansing na nakatakda sana silang bumili ng bigas sa NFA para ipamigay sa kanyang mga constituent subalit dahil may amoy umano ito, minabuti nilang bumili na lamang sa rice millers sa halagang P1,850 hanggang P1,950 kada sako.

“Masisira kami kung ‘yun ang ibibigay,”  ani Suansing. “I would like to request Secretary Dar to do investigation. This is what is happening in the field.”

Maging ang ilang mambabatas ay nakabili rin umano ng NFA rice na may amoy.

Naunang sinabi ni Dar na ang mga napaulat na may amoy na bigas ay hindi nagmula sa NFA.

“Kasi ‘di ba ang NFA hindi na nag-import ng bigas? Lahat ay binili dito sa local o domestic and dapat kung maganda ang warehousing nila, walang problema sa amoy,” aniya.

Sa kabila nito ay hiniling ng kalihim kay Suansing na padalhan siya ng mga karagdagang detalye para maimbestigahan ito.

“Gusto naming imbestigahan ‘yun,”  aniya.