NGAYON NA SA ‘TROPA’?

Laro ngayon:

DHVSU Gym, Bacolor, Pampanga

6 p.m. – TNT vs Magnolia

(Game 5, TNT abante sa serye, 3-1)

ANGAT sa 3-1, target ng TNT Tropang Giga na tapusin na ang serye kontra Magnolia Hotshots sa Game 5 ng PBA Philippine Cup finals ngayon sa Don Horacio Ventura State University Gym sa Bacolor, Pampanga.

Sisikapin ni coach Chot Reyes at ng kanyang tropa na tuldukan ang Battle of Bacolor at pawiin ang pagkauhaw sa kampeonato na tiniis ng franchise sa nakalipas na anim na taon.

Kapag nanalo sila sa 6 p.m. match, kukunin ng Tropang Giga ang PBA Philippine Cup best-of-seven title playoff sa 4-1 at wawakasan ang dominasyon ng SMC —  tatlong SMC teams ang naghari sa huling 11 conferences.

Hindi nagtagumpay sa dalawang naunang pagtatangka na buwagin ang dynasty, determinado ang TNT na mamayani sa pagkakataong ito.

Ang game plan?

“It’s very simple: Just go back to what we’ve been doing the whole year and that’s to get better,” wika ni Reyes.

“We need to find a way on Friday to be better than we were (last Wednesday). Better effort, better execution, better energy and we’ll see what happens.”

Isang panalo na lamang at maibibigay na ni Mikey Williams at ng kanyang  teammates sa franchise ang ika-8 korona nito — ika-6 sa all-Filipino makaraang magwagi sa seasons 2003, 2008-09, 2010-11, 2011-12, at 2012-13.

Target naman ni Reyes ang ika-8 na titulo — ika-6 sa  Philippine Cup. CLYDE MARIANO