(Ngayong Disyembre) DEMAND SA TNVS TATAAS

INAASAHAN ang pagtaas ng demand sa Transport Network Vehicle Service (TNVS) ngayong Disyembre.

Ayon kay Grab Philippines Chief Operating Officer Ronald Roda, ang demand para sa GrabCar services ay tinatayang tataas ng 20 percent ngayong Disyembre, ngunit maaari pa itong sumirit ng hanggang 45 percent sa ikalawa at ikatlong linggo ng buwan.

Para matugunan ang inaasahang pagtaas sa demand, nasa 4,000 drivers ang idinagdag ng Grab noong Agosto bilang paghahanda sa Christmas rush.

Binuksan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mahigit 10,000 slots para sa TNVS noong Abril para madagdagan ang suplay sa gitna ng pagtaas ng demand.

Sinabi ni Roda na nais matiyak ng Grab PH na maaasahan ang ride-hailing app kahit tuwing peak hours.

Sa kasalukuyan, ang Grab Philippines ay may fleet ng 30,000 sasakyan na nagseserbisyo sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

“We make sure that there’s as many cars as possible because that’s the main driver in making sure that surge is limited. There may be specific hours and times and places where it might happen, but in general, as long as supply is sufficient then fares will be more affordable,” dagdag pa ni Roda.