(Ngayong Disyembre) SINGIL SA KORYENTE TATAAS

NAKATAKDANG tumaas ang singil sa koryente ngayong Disyembre.

Sa abiso ng Manila Electric Company (Meralco), tataas ang power rate ng P0.1048 per kilowatt-hour (kWh), kung kaya ang overall rate para sa isang typical household ay magiging P11.9617 per kWh mula P11.8569 per kWh noong Nobyembre.

Katumbas ito ng P21 pagtaas sa total bill ng mga kumokonsumo ng 200 kWh

Ang mga kumokonsumo ng 300 kwh ay magkakaroon ng P31 dagdag sa kanilang total bill, P42 sa 400 kwh, at P52 sa 500 kwh.

Sinabi ni Meralco vice president and head of corporate communications Joe Zaldarriaga na “this month’s increase was largely due to higher generation charge, which goes to our power suppliers.”

Aniya, ang generation charge ay tumaas ng P0.1839 per kWh dahil sa nagmahal na halaga mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) at Power Supply Agreements (PSAs).

Ang WESM charges ay tumaas ng P0.2531 per kWh sa gitna ng mas mahigpit na supply conditions sa Luzon grid.

Gayundin, ang singil mula sa PSAs ay tumaas ng P0.1050 per kWh dahil sa paghina ng piso na nakaapekto sa nasa 51% ng halaga ng PSA, at mas mababang PSA dispatch.

Ayon sa power distributor, ang pagtaas sa generation charge ay na-offset ng P0.0410 per kWh pagbaba sa singil mula sa Independent Power Producers (IPPs).

Ang WESM, PSAs, at IPPs ay bumubuo sa 31.4%, 40.2%, at 28.3%, ayon sa pagkakasunod-sunod, ng total energy requirement ng Meralco para sa period.

Samantala, ang transmission charge ay bumaba ng P0.0940 per kWh due upang mapababa ang ancillary service charges mula sa Reserve Market.

Ang buwis at iba pang charges ay tumaas naman ng P0.0149 per kWh.

“Pass-through charges for generation and transmission are paid to the power suppliers and the grid operator, respectively, while taxes, universal charges, and Feed-in Tariff Allowance (FIT-All) are all remitted to the government,” ayon sa Meralco.