(Ngayong Hulyo) SINGIL SA KORYENTE BABABA

INANUNSIYO kahapon ng Manila Electric Co. (Meralco) ang pagbaba sa singil sa koryente ngayong buwan.

Sa abiso ng Meralco, bababa ang singil ng P0.7213 per kilowatt-hour (/kWh) kaya ang overall rate para sa isang typical household ay magiging P11.1899/kWh mula P11.9112/kWh noong Hunyo.

Katumbas ito ng P144 pagbaba sa kabuuang electricity bill ng residential customers na kumokonsumo ng 200 kWh.
Ang mas mababang generation at transmission charges ang nagtulak sa pagbaba ng singil sa koryente.

Sa ikalawang sunod na buwan, bumaba ang generation charge ng P0.6436 per kWh hanggang P6.6066 per kWh nitong Hulyo mula sa P7.2502 per kWh noong Hunyo.

Bumaba ang singil mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) ng P2.6597 kada kWh dahil bumaba ang demand sa gitna ng pagsisimula ng tag-ulan.

Ang transmission at iba pang charges — kabilang ang taxes at subsidies — ay nagtala rin ng net reduction na P0.0777 kada kWh.

Ayon pa sa Meralco, bumaba rin ng P0.3915 at P0.4658 kada kWh ang singil mula sa Power Supply Agreements (PSAs) at Independent Power Producers dahil sa mas mababang presyo ng coal.

Nag-ambag din sa mas mababang singil sa koryente ang paglakas ng piso na nakaapekto sa 20% ng PSA at 97% ng mga gastos sa IPP, ang bahagi ng PSA para sa panahong ito ay 48%, habang ang bahagi ng IPP ay 37%.

-ELMA MORALES