(Ngayong Mother’s day) LIBRENG MAKE-OVER SA 100 MOMSHIES HANDOG NG ROSARIO-PNP

ROSARIO, CAVITE- NAGHANDOG ang Rosario PNP ng “make-over” katuwang ang Salinas Gay Association, LGBT Group sa 100 Momshies bilang pagdiriwang ngayong araw ng Mother’s Day.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon at proyektong isinagawa ng Rosario PNP at SAGA para sa mga Momshies bilang pagpupugay sa kadakilaan ng mga nanay ngayong Mother’s Day na pinangunahan ni Maj. Sandie Del Finado Caparroso, COP Rosario PNP at ni Felmar M. Tanjeco, SAGA President.

Ang proyekto ay bahagi ng community service ng Rosario PNP kung saan ipinapakita at ipinadadama ng kapulisan ang kanilang pagmamahal sa kapwa higit sa mga itinuturing na ilaw ng tahanan ng pamilya.

Labis na ikinatuwa ng mga Momshies ang programa para sa kanila na nagbigay daan upang umayon at gumanda ang kanilang iniingatang pigura.

“Maraming salamat sa nakaisip nitong programa para sa aming mga ina ng tahanan. Matagal-tagal na rin akong hindi nagpapagupit dahil nanghihinayang ako sa 120 pesos na bayad sa parlor. Sayang yung 120 pesos, pambili ko na yun ng bigas at ulam”, kwento ni Nanay Jessie Tisiorna ng Brgy. Silangan 1.

Ang pagkilala at pagpupugay sa mga sakripisyo ng mga Nanay na nagsisilbing liwanag sa loob ng tahanan ay hindi dapat makalimutan ng lahat.

“Araw ng mga Nanay ngayon. Kami sa hanay ng kapulisan, ay patuloy na maglilingkod sa bayan at bawat mamamayan. Sa pamamagitan ng programa na ito, nawa ay napasaya namin sina Nanay”, nakangiting paglalahad ni Caparroso.

Samantala, 7 momshies na nakahimpil ngayon sa Rosario PNP ang napabilang din sa naturang programa.

Ang make-over ng mga momshies ay kinabibilangan ng libreng gupit, manicure, pedicure, foots spa, hair color, at make-up.
SID SAMANIEGO