SA PAGSISIMULA ng tag-ulan, isa sa mga iniiwasan natin ay ang magkaroon ng dengue. Napakaraming lamok tuwing tag-ulan, kaya naman mahalagang linisin natin ang ating paligid, lalo na ang mga lugar kung saan namamahay ang mga lamok. Ang masusukal, basa, at maduming lugar ay dapat na linisin. Iwasan din ang pag-iimbak ng tubig. Gawin na natin ito ngayon habang hindi pa nagsisimula ang malalakas na ulan.
Pinangungunahan ng Department of Health (DOH) ang Dengue Awareness Month ngayong buwan ng Hunyo. Ang tema nito ay “Stop the Spread, Sama-sama Nating Sugpuin ang Dengue!” Ito ay nagbibigay-diin sa kahalagahan ng pagkakaisa at bayanihan sa pagsugpo ng dengue.
Naglabas din ang DOH ng “Clinical Practice Guidelines on the Diagnosis, Management and Prevention of Dengue for Adult and Pediatric Filipinos in the Primary Care Setting” (CPG). Dito makikita kung paano maiiwasan ang dengue, kung paano ito mada-diagnose, at kung paano aalagaan ang isang may sakit nito. Maaaring makuha nang libre ang CPG na ito sa pamamagitan nitong link: https://doh.gov.ph/dpcb/doh-appro
Ipinaaalala ng DOH na maaaring maging malubha ang dengue lalo na para sa mga pasyenteng hindi nakatanggap ng wastong alaga. Kapag may lagnat na sa loob ng dalawang araw, o may mga warning signs tulad ng pagdurugo ng ilong o pagsuka na may kasamang dugo, matinding pananakit ng tiyan, kumonsulta agad sa doktor o pumunta sa pinakamalapit na health facility. Mahalaga rin na uminom ng oral rehydration salt at tubig para maiwasan ang dehydration.