NAGALIT si Stephen Curry ng Golden State Warriors sa referee nang hindi nito pinituhan si Terance Mann ng Los Angeles Clippers, 9:08 sa fourth quarter, dahilan kaya’t siya ang natawagan ng technical.
Kaya ibinuhos ng Warriors superstar ang kanyang ngingit sa buong Clippers at iniskor niya ang 11 sa kanyang 33 points para talunin ito sa iskor na 105-90.
Bunsod nito, na-extend sa walong sunod ang winning streak ng Golden State Linggo ng gabi (Lunes sa Manila) sa Staples Center.
“It was just an accumulation of all types of weird stuff. All that led into where I thought I got a foul,” pahayag ni Curry, may season-high six steals at five rebounds at six assists din. “It definitely fired me and the team up. After that it was time to direct my energy into putting the ball in the basket.”
Dinepensahan naman ni Warriors coach Steve Kerr si Curry nang dumeretso ito sa game official at nag-pump fist sa sobrang inis.
“That was as upset as I’ve seen him and that I have been in a long time. He clearly got fouled,” wika ni Kerr. “When he knows he got fouled on a play like that and he doesn’t the call the competitor will come out in him and he will lose his mind a little bit. But it will spur him like it did in this instance.”
Lamang ang Golden State, 79-70, nang mapikon si Curry at pangunahan ang Warriors sa 21-7 run sa halos limang minuto kung saan nagsalaksak siya ng tatlong 3-pointers, kasama ang dagger off-balance sa right corner, 5:20 pa ang natitira sa laro.
Nag-ambag si Otto Porter Jr. ng 18 points at 10 rebounds, at nagdagdag si Jordan Poole ng 17 points sa Warriors, na umangat ang NBA-best record sa 18-2.
Nanguna sa Clippers si Paul George, 30 points, habang sina Eric Bledsoe at Marcus Morris, ay may tig-13 points.
Bago ang laro, ang Clippers ay wagi ng walo sa 10 home games nito.