NIGERIAN, 2 PA HULI SA LOVE SCAM

PAMPANGA- ARESTADO ang isang Nigerian at dalawang kasabwat na Pinoy ng pinagsanib na puwersa ng Las Pinas Police, Mabalacat Police at Anti-Cyber Crime Group nang ireklamo ng 55-anyos na Pinay na biktima ng love scam.

Pinuri naman ni PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr. ang matagumpay na operasyon ng ACG dahil natunton agad ang mga suspek.

Kabilang na naaresto ang 23-anyos na Nigerian na may alyas na JD at dalawang Pinoy sa Las Piñas City.

Sinabi ni PNP Public Information Office chief Col. Redrico Maranan, kasong paglabag sa Article 315 ng Revised Penal Code (Swindling/Estafa) in relation to Section 5(a) and (b) and Section 6 of Republic Act 10175 na kilala rin sa tawag na “Cybercrime Prevention Act of 2012” ang kakaharapin ng mga suspek.

Sa reklamo ng biktima kinaibigan siya ng Nigerian na pangalang Philip Brian sa isang social media site.

Dahil sa tamis ng pananalita inakala niyang magpapasaya sa kanya dahil napaibig siya.

Kinalaunan ay nanghingi ng pera ang suspek at nabigyan niya ito ng hanggang P230,000.

Nabatid na walong beses nag-money transfer ang biktima mula Pampanga at na-claim ng mga suspect sa Las Pinas.

Agad namang natunton ng ACG ang mga suspek saka nagkaroon ng koordinasyon sa mga local police kaya nadakip ang tatlo.

Paalala ng PNP, huwag basta maniwala sa mga kausap lalo na sa online. EUNICE CELARIO