CAVITE – HINDI umubra ang angas ng isang dayuhang Nigerian National makaraang mapatay nang pumalag sa mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) habang naaresto naman ang isang nagpakilalang miyembro ng Philippine Army at nabuking na isang security aide lamang sa isinagawang operasyon kaugnay sa online scamming activity ng mga suspek sa Bacoor City.
Naisugod pa sa ospital subalit dead on arrival na ang suspek na si Okoroike Harriison Chibuike habang arestado ang security aide nito na si Eduard Parcedes Godeloson na pawang nanunuluyan sa #135 St., Michael Subdivision, Talaba 7, Bacoor City, Cavite.
Ayon sa inisyal na ulat ng NBI- Cybercrime Division (CCD), nakatanggap ang ahensya ng impormasyon kaugnay sa pagsasagawa ng online scams na target biktimahin ang mga Pinoy ng isang indibidwal na nag-o-operate sa Cavite City.
Lumalabas sa tip na natanggap ng NBI sa isang informant, nakatira sa nasabing address ang mga suspek kaya agad nagplano ang awtoridad ng ikakasang operasyon makaraang makakuha ng search warrant.
Nang isagawa ng NBI ang operasyon sa nasabing lugar, una umanong humarap si Eduard at nagpakilalang miyembro ng Philippine Army.
Sinabihan ni Eduard ang mga ahente ng NBI na umatras dahil may on going silang operasyon at maaring magkaroon ng putukan.
Sa puntong iyon, biglang lumabas naman si Okoroike na pasakay noon sa motorsiklo dahilan para agad silang dakpin, subalit sa halip na mapayapang sumuko, naging bayolente at nagbanta ang dayuhan sa buhay ng mga ahente ng NBI.
Upang maprotektahan ng mga operatiba ng NBI ang kanilang sarili, nagkaroon na ng palitan ng putok at nabaril si Okoroike, gayunman isinugod pa ito sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Sasampahan naman si Eduard ng Direct Assault, Usurpation of Authority, Obstruction of Justice, at paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 at Access Devices Regulation Act of 1998. PAUL ROLDAN
Comments are closed.