NILAGDAAN ng Pilipinas at ng World Bank ang apat na loan agreements na nagkakahalaga ng $1.14 billion.
Gagamitin ito sa mga inisyatibo ng gobyerno sa pagpapabilis ng pagbangon ng ekonomiya, pagpapalakas ng climate resilience, pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon, at pag-develop sa agriculture and fisheries sector.
Ayon sa Department of Finance (DOF), ang naturang loan agreements ay pinirmahan nina Finance Secretary Benjamin Diokno at World Bank Country Director for the Philippines Ndiame Diop sa tanggapan ng ahensiya
noong Lunes.
Ang pinakamalaking deal ay ang $750 million para sa Philippines First Sustainable Recovery Development Policy Loan (DPL). Layunin nito na mapalakas ang environmental protection at climate resilience, maabot ang target ng bansa para sa renewable energy, at makatulong sa pagbabawas ng climate-related disaster risks.
Inilaan naman ang $110-million loan sa Teacher Effectiveness and Competencies Enhancement Project (TEACEP) ng Department of Education (DepEd). Layon nitong paghusayin ang access sa edukasyon sa Zamboanga, Soccsksargen, at sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Samantala, ang $276-million loan ay para sa Mindanao Inclusive Agriculture Development Project (MIADP) at sa Philippine Fisheries and Coastal Resiliency Project (FishCoRe). Ang mga ito ay proyekto ng Department of Agriculture (DA).
Ang MIADP ay naglalayong mapagbuti ang economic situation ng piling indigenous communities habang layon ng FishCoRe na mapataas ang agricultural productivity at mapaghusay ang fisheries management.
Hindi binanggit ng DOF ang interest rates at tenor para sa apat na loan agreements.