PINABULAANAN kahapon ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang mga ulat na nagpatupad ito ng ban sa mall-wide sales upang mapagaan ang inaasahang mabigat na daloy ng trapiko ngayong holiday season.
Sa public hearing ng Senate Committee on Public Services, sinabi ni Victor Maria Nunez ng MMDA na nakipagpulong si Chairperson Don Artes sa mall operators noong Oktubre 17 upang hilingin ang pagbabago sa opening hours at magsimula sa alas-11 ng umaga hanggang midnight mula Nobyembre 18 hanggang Disyembre 25.
Ayon kay Nunez, hiniling din ni Artes na tanggapin lamang ang mall delivery trucks mula alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga.
Ang isa pa aniyang napagkasunduan ay ang huwag magdaos ang mga mall ng sale nang sabay-sabay.
“All the mall operators agreed on that and we never prohibit each store or retailer from conducting their own sales,” sabi ni Nunez.
“We never banned or prohibit the mall-wide sales. Wala hong black and white and we don’t even have a penalty sa magko-conduct nun.”
Gayunman ay nanawagan siya sa mga mall operator na makipag-ugnayan sa MMDA dalawang linggo bago ang sale at magsumite rin ng traffic management plan.
Tiniyak ni Ronhel Papa, kinatawan ng SM Malls sa pagdinig, na susunod sila sa apela.
“We are coordinating closely with the MMDA in order to alleviate the traffic conditions on our malls situated in EDSA thoroughfares,” ani Papa.
ULAT MULA SA PNA