NAGBUHOS si Giannis Antetokounmpo ng 45 points at 13 rebounds sa 128-122 comeback victory ng Milwaukee Bucks laban sa Philadelphia 76ers na nagbigay sa kanila ng record sa Eastern Conference.
Umiskor si Khris Middleton ng 22 points para sa Bucks, na papasok sa playoffs bilang No. 1 seed sa Eastern Conference sa unang pagkakataon sa franchise history. Naging top seed sila sa Western Conference ng tatlong beses sa kanilang unang anim na taon sa liga, ang huli ay noong 1973-74 season.
Naitala ni Joel Embiid ang kanyang ikalawang career triple-double na may 34 points, 13 rebounds at 13 assists sa kanyang pagbabalik mula sa three-game absence dahil sa pamamaga ng kaliwang tuhod.
WARRIORS 108,
LAKERS 90
Naiposte ni DeMarcus Cousins ang walo sa kanyang game-high 21 points sa unang pitong minuto nang pataubin ng Golden State ang host Los Angeles.
Ang panalo ay naglapit sa Warriors sa dalawang panalo para makuha ang top seed sa Western Conference playoffs.
Gumawa si Quinn Cook ng 18 points mula sa bench para sa Golden State, at nag-ambag si Kevin Durant ng 15 points.
Tumipa si reserve Johnathan Williams ng 17 points upang pangunahan ang Lakers.
KINGS 117,
CAVALIERS 104
Kumana si Buddy Hield ng game-high 23 points upang tulungan ang Sacramento na gapiin ang bumibisitang Cleveland.
Nagdagdag si Bogdan Bogdanovic ng 18 points, at nakalikom si De’Aaron Fox ng 16 points at 10 assists para sa Kings. Gumawa si Marvin Bagley III ng 15 points at humablot ng walong rebounds, at nag-ambag si Nemanja Bjelica ng 10 points.
Tumirada si Jordan Clarkson ng 22 points sa 9-of-13 shooting para sa Cavaliers, na nalasap ang ika-7 sunod na kabiguan at bumagsak sa 6-34 sa road.
Comments are closed.