‘NO CONTEST’ PABOR SA PINOY FIGHTER IDINEKLARA NG WBC

IDINEKLARA ng World Boxing Council (WBC) na ‘No Contest’ ang naganap na laban sa pagitan ng Pinoy fighter na si Jayson Vayson at ni reigning International Light Flyweight champion Indonesian Tibo Monabesa nitong Pebrero 27 sa Holywings Night  Club sa Jakarta, Indonesia.

Sa sulat ni WBC President Mauricio Sulaiman kay Indonesian Boxing Association president Manahan Situmorang na may petsang Marso 7, 2022, hindi kinikilala ng world boxing governing body ang split decision win ni Monabesa matapos ang isinagawang rebyu sa laban at kagyat na ipinag-utos ang ‘rematch’ para maresolba ang isyu.

“The 10 judges who evaluated the fights during this process scored the fight in favor of the Philippine challenger by a wide margin. The WBC was informed that the panel of officials working the fight live were all local and it was not a neutral one.

“The WBC has decided to declare this fight as ‘No Contest’ and not recognized the victory of Monabesa. The WBC is hereby ordering a direct rematch for the WBC International Light Flyweight championship,” pahayag ni Sulaiman.

Kasabay nito, inalok ni Sulaiman ang mga opisyal at referee na sangkot sa naturang laban na dumalo sa isinasagawang official seminar via Zoom sa ilalim ng WBC University platform.

“Your honorable Commission has the option to accept our ruling and change your records as an NC and notify BoxRec as such, or not accept our decision and keep such fight a victory for Monabesa,” sabi ni Sulaiman

Ikinalugod naman ni Games and Amusements Board (GAB) Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra ang maagap na pagtugon ng WBC sa inihaing reklamo ng Commission batay sa isinumiteng impormasyon ni Pinoy matchmaker at manager ni Vayson na si Brico Santig.

“We are happy the WBC is very responsive to our complaints and values fairness. They have a long track record of good deeds and this adds to the list,” pahayag ni Mitra, tanging GAB chairman na nakatanggap ng WBC Commission of the Year Award ng dalawang ulit mula 2017.

“Tulong-tulong tayo rito. Basta may reklamo at kitang-kita naman sa mga impormasyon na agrabyado ang ating Pinoy fighters sa mga desisyon kahit saang world body, ipaglalaban natin iyan,” ani Mitra, patungkol sa mga apela sa ilang isyu sa WBC.

Sa kaso ni Vayson, halata ang hometown decision matapos na dalawang ulit na mapabagsak ng Pinoy ang Indonesian champion at madomina ang laban sa kabuuan ng nakatakdang 12-round match.

Matikas na 9-0 ang karta ng 23-anyos na si Vayson bago ang laban sa mas beteranong si Monabesa (21-1-2, tampok ang walong knockouts). Kasalukuyan itong rated No.3 sa WBC, Np,9 sa World Boxing Organization at N0.13 sa International Boxing Federation. EDWIN ROLLON