Hindi ganoon kadali ang humanap ng trabaho, lalong hindi madali ang matanggap sa trabaho kung wala kang experience. Karaniwan sa requirements na hinahanap ay kailangang may isa, dalawang o higit pang taong experience sa iba’t ibang larangan.
Kung ang iba nga na matagal nang naghahanap ng trabaho ngunit walang sapat na karanasan ay hindi pa rin makahanap ng trabahong nakalinya sa natapos nila, paano pa ang mga magtatapos o katatapos pa lamang?
Ang problema ba ay nasa mga kompanya dahil sa ang kanilang hinahanap ay may experience na? O baka naman ang problema ay nasa mga naghahanap ng trabaho dahil hindi sinusubukang magpasa ng resume sa mga kompanya sa kadahilanang wala siyang experience.
Ang sagot: ang problema ay nasa job seeker dahil hindi niya alam kung paano mahihikayat ang employer na tanggapin siya kahit walang experience. Nasa kamay ng job seeker ang kanyang kapalaran mapa-fresh graduate with no experience man siya o job seeker na hindi makapasok sa dream job dahil sa walang experience.
Ayon sa career strategists na si Linda Raynier, mahalagang salik na bago pa man magsimulang magpasa ng resume ang isang job seeker ay kailangan niyang pagtibayin ang kaniyang personal brand.
Ano ba ang personal brand? Ito ay binubuo ng kung sino ka, ano ang iyong mga kakayahan, at kung ano ang kahalagahan mo.
Ang tinatawag na personal brand ang pinakamahalagang sandata bukod pa sa iyong resume, kung paano ka manamit, at maging kung gaano kalaki ang tiwala mo sa iyong sarili.
Kung iisipin, ano ang makukuha ng isang employer sa isang job seeker na swak sa lahat ng requirements na hinihingi nila para sa posisyon?
Isa-isahin natin, kailangan sa isang kompanya o kailangan ng isang employer ang isang tao na kayang ipakita kung sino siya.
Ibig sabihin nito ay kung ano ang taglay niyang pag-uugali sa trabaho: siya ba ay matulungin, maagap, may positibong pananaw at pagtingin sa mga bagay-bagay, may tiwala ba sa sarili at kakayahan? Ito ang mga katangian hinahanap nila bukod sa mga papeles na mayroon ka.
Gusto rin ng mga employer ang isang taong kayang ipakita ang kanyang kakayahan sa pamamagitan ng paggamit sa kanyang mga natutuhan—sa eskuwelahan man o sa mga trabahong pinasukan niya. At higit sa lahat, kaya niya itong malampasan o mapagbuti pa.
Panghuli, isa rin sa hinahanap ng employers ay ang mga taong kayang ipakita kung ano ang kanyang halaga.
Halimbawa ay kung may isang bagay na napagtagumpayan sa nakaraan ay alam niya kung paano magagamit ang parehong experience sa oportunidad na ibibigay sa kanya. Mahalagang malinaw sa kanya kung ano ang plano niya para sa trabaho.
ILANG MGA BAGAY NA DAPAT TANDAAN
Marami tayong dapat na tandaan sa paghahanap ng trabaho nang makamit natin ang ating inaasam-asam. Kailangan ding alam natin kung paano natin maibebenta ang ating sarili at makukuha ang tiwala ng ating posibleng magiging boss.
Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa kailangan nating tandaan:
KILALANIN ANG SARILI
Upang mapagtibay ang iyong personal brand, kailangan mong kilalanin ang iyo sarili. Alamin ang iyong kalakasan at kahinaan. Ano ang iyong mga kakayahan o kayang gawin at hindi. Mahalaga rin na alam mo ang iyong hobbies dahil isa rin ito sa tinitingnan kung well-rounded ka bang indibiduwal.
Magtanong sa mga kakilala kung ano sa tingin nila ang iyong mga kakayahan. Maaaring konsultahin ang iyong mga propesor o mga dating nakasama sa trabaho. Importante, tanungin mo rin ang sarili mo: ano nga ba ang kaya mong gawin o ipinagmamalaki mong talento.
MAHALAGA ANG IYONG KUWENTO
Malaking bagay na alam mo ang iyong sariling kuwento, mga karanasan, mga natutuhan sa eskuwela at maging sa buhay. Sa pamamagitan ng iyong mga karanasan at kuwento, maipakikita mo ang iyong sarili.
Malaki ang maitutulong para makuha mo ang trabahong inaasam-asam mo kung alam mo ang kakayahan mo, kung paano mo makukuha ang tiwala ng iyong employer sa pamamagitan ng iyong kuwento o karanasan, at higit sa lahat, importanteng maipakita mo rin ang tiwala mo sa iyong sarili at ang kagustuhan mong matuto at mapagbuti pa ang iyong sarili.
Hindi kailanman naging hadlang ang kakulangan sa karanasan, dahil sa totoo lang ay sagana at punumpuno ng karanasan ang buhay.
Kailangan lamang na matutuhan kung paano gagamitin ang mga karanasang ito lalong-lalo na ang mga natutuhan sa bawat oportunidad na dumating o darating.
Huwag ding kalilimutan na lahat ng bagay ay natututuhan kung hindi mo lilimitahan ang sarili sa iba’t ibang posibilidad. (photos mula sa google) MARY ROSE AGAPITO
Comments are closed.