MAGPAPATUPAD na ng “no vendor policy” at “no vandalism” ang lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila upang mapanatili ang kaayusan at kalinisan ng bagong bihis na Lagusnilad underpass.
Ito ang inihayag ni Manila Mayor Isko Moreno matapos pangunahan ang pagpapasinaya at ribbon cutting ceremony kasama si Vice Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan sa pinagandang pamosong underpass sa harap ng Manila City hall.
Dagdag pa ni Moreno, bukod sa pagpapatupad ng no vendor policy ay mahigpit ring ipatutupad ang pagbabawal ng “vandalism” sa lugar.
Aniya, may mga CCTV camera na 24/7 na magbabantay sa nasabing underpass upang mamonitor ang sinomang gagawa ng kalokohan bukod pa sa itatalagang magpapatrolya dito.
Umapela naman ang alkalde sa publiko na makipagtulungan sa lokal na pamahalaan na pagmalasakitan at panatilihing malinis ang nasabing underpass.
Agaw pansin naman ang naglalakihang mural na ipininta sa nasabing underpass na nagpapakita ng yaman, kultura at kasaysayan ng bansa.
Bukod sa mga mural ay may mga naglalakihang larawan din ang inilagay ng Department of Tourism, Culture and Arts of Manila sa mga lugar na dinadayo sa lungsod ng Maynila.
Dumalo rin sa pagdiriwang ang mga kinatawan mula sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA) si Ronn Fernando at Egay Fernandez kabilang din sina NPDC Director Cecille Lorenzana Romero at Atty. Guiller Asido ng Intramuros Administration.
Ang disenyo ng bagong underpass ay mula sa mga ideya ni Arch. Juanito Malaga, John Fallorina, Sean Ortiz at Leon Tuazon na mula sa University of Sto. Tomas. PAUL ROLDAN
Comments are closed.