MATATANGGAP na sa darating na Nobyembre ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang Performance-Based Bonus (PBB) para sa taong 2021.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Col. Jean Fajardo ang bonus ay base sa performance rating o eligibility score ng PNP mula Enero hanggang Disyembre 2021.
Ito ay katumbas ng 52% ng individual monthly base pay ng mga pulis mula Disyembre 31, 2021, base sa 80 puntong eligibility score na nakuha ng PNP sa kanilang revised rating.
Paliwanag ni Fajardo, inisyal na nakakuha ng minimum na 70 punto ang PNP sa kanilang eligibility score na katumbas lang ng 45.5% ng base monthly pay pero nagsumite ng apela ang pamunuan ng PNP para mapataas ito.
Nilinaw naman ni Fajardo na bagaman eligible ang PNP sa PBB, may ilang mga PNP unit na kailangang i-isolate dahil sa sa iba’t ibang “non-compliance issue”.
Nagpasalamat naman si PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. sa pagsisikap ng mga pulis noong 2021, at sinabing mayroon pang “room for improvement”.
EUNICE CELARIO