(Noong 2022)UTANG NG PH PUMALO SA P13.42-T

Bureau of the Treasury

UMABOT sa P13.42 trillion ang utang ng Pilipinas noong 2022 dahil sa double-digit increases sa domestic at foreign borrowings, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr).

Sa datos ng BTr, ang end-December 2022 outstanding obligations ng bansa ay mas mababa ng 1.7% o P225.31 billion kumpara sa end-November 2022 level na P13.644 trillion — na isang record-high.

Gayunman ay mas mataas ito ng 14.4% kumpara sa P11.73 trillion noong 2021.

Ito ay dahil sa pagtaas ng domestic debt ng 12.7% o P1.04 trillion, gayundin ng external loans ng 18.3% o P652.34 billion.

Sa naturang taon, karamihan sa utang ay nagmula pa rin sa local sources.

Subalit ayon sa Treasury, ang paglakas ng Philippine peso kontra US dollar sa huling bahagi ng 2022 ay nakatulong para mapalambot ang paglaki ng utang.

Sa kabila ng pagtala ng mas malaking utang, ang debt-to-gross domestic product (GDP) ratio ng bansa ay nasa 60.9% para sa end-2022, bumaba mula sa 63.7% hanggang end-September 2022.

“This reflects the consistent drive to bolster debt sustainability through prudent cash and debt management backed by resurgent economic growth,” pahayag ng BTr.