SA IKALAWANG sunod na buwan ay nakapagtala ang local vehicle assemblers ng mahigit 40 percent growth kung saan ang April 2022 sales ay tumaas ng 40.9 percent, ayon sa Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines, Inc. (CAMPI) at Truck Manufacturers Association (TMA).
Ang vehicle sales ay tumaas sa 25,149 units noong nakaraang buwan mula sa 17,843 units noong April 2021.
Gayunman, ang paglago noong Abril ay bahagyang bumagal mula sa March sales increase na 43.4 percent.
Ayon sa CAMPI at TMA, ang benta ng passenger cars at commercial vehicles ay lumago ng double digits.
Ang year-on-year growth ng passenger cars segment ay tumaas ng 12.4 percent sa 6,259 units noong Abril ngayong taon mula 5,570 units noong 2021.
Samantala, ang commercial vehicle sales ay tumaas ng 53.9 percent sa 18,890 units mula 12,273 units sa kaparehong panahon.
“The April sales performance reflects the continued containment of the pandemic underpinned by the improved consumer demand for big-ticket items compared with last year,” wika ni CAMPI president Rommel Gutierrez.
Ang industry sales mula Enero hanggang Abril ngayong taon ay tumaas din ng 13.3 percent sa 99,903 units mula 88,155 units sa kahalintulad na panahon noong nakaraang taon.
Seventy-five percent nito ay commercial vehicles na may sales growth sa nasabing panahon na 24 percent, sales na 75,321 units mula sa 60,730 units sa kaparehong panahon noong 2021.
Ang year-to-date passenger car sales ay bumaba ng 10.4 percent sa 24,582 units sa unang apat na buwan ng 2022 mula 27,425 units sa kaparehong panahon noong 2021. Ang pagbaba ay sanhi ng COVID-19 restrictions sa unang dalawang buwan ng 2022.
“The government’s economic growth target of 7 to 9 percent this year, driven by the overall improvement in employment and domestic demand, will play a critical role in the economy and the industry’s recovery alike,” dagdag ni Gutierrez. PNA