TUMAAS ang foreign direct investments (FDI) na pumasok sa bansa noong Abril mula sa naunang buwan, ngunit bumaba mula sa year-ago level, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Sa datos na inilabas ng BSP, ang FDI net inflows ay nasa $876 million noong Abril, mas mataas sa $548 million noong Marso, subalit mas mababa ng 14.1% sa $1.020 billion na naitala sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
“The decline in FDI may be attributed to concerns over slowing economic growth and relatively high inflation levels globally,” paliwanag ng BSP.
Ang economic growth ng bansa ay bumagal sa 6.4% sa first quarter, ang pinakamababa nito magmula nang makakawala ang bans sa COVID-19 pandemic-induced recession dahil sa mahinang consumer spending.
Samantala, naitala naman ang inflation sa 5.4% noong Hunyo, mas mataas pa rin sa target range ng pamahalaan na 2.0% hanggang 4.0%.
Ang net investments sa debt instruments — na bumubuo sa karamihan sa FDIs ng bansa para sa buwan — ay nasa $663 million, tumaas mula sa $389 million noong Marso ngunit mas mababa ng 7.7% kumpara sa $719 million sa naunang taon.
Year-to-date, ang FDI net inflows ay pumalo sa $2.918 billion o mas mababa ng 18.0% kumpara sa $3.561 billion na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.