(Noong Abril) PADALANG PERA NG OFWs PUMALO SA $2.48-B

CASH AID-OFWs

UMABOT sa $2.48 billion ang cash remittances mula sa overseas Filipinos noong Abril, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Mas mataas ito ng 3.7 percent kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, ngunit mas mababa sa $2.671 billion na naitala noong Marso.

“The expansion in cash remittances in April 2023 was due to the growth in receipts from land- and sea-based workers,” pahayag ng BSP.

Ang cash remittances mula Enero hanggang Abril ay pumalo sa $10.49 billion, mas mataas ng 3.2 percent kumpara sa kahaluntulad na panahon 2022.

“The growth in cash remittances from the United States (U.S.), Singapore, and Saudi Arabia contributed mainly to the increase in remittances in the first four months of 2023,” ayon sa BSP.

Ang United States ang may pinakamalaking share ng remittances para sa buwan na may 41.3%, sumusunod ang Singapore sa 7.0%, Saudi Arabia sa 5.9%, Japan sa 5.1%, United Kingdom sa 4.5%, at United Arab Emirates sa 4.2%.

Ang Canada ay may 3.2% ng total remittances, Qatar 2.7%, South Korea 2.7%, at Taiwan 2.6%. Pinaghatian ng ibang mga bansa ang nalalabing 20.7%.

Samantala, ang personal remittances — ang kabuuan ng transfers na ipinadala ng cash o in-kind via informal channels — ay pumalo sa $2.773 billion, bumaba mula sa $2.9673 billion noong Marso subalit mas mataas sa $2.671 billion noong April 2022.

Ayon sa BSP, ang annual increase sa personal remittances ay dahil sa mas mataas na inflows mula sa land-based workers na may work contracts na isang taon o higit pa at sea- and land-based workers na may work contracts na mas mababa sa isang taon.

Year-to-date, ang personal remittances ay tumaas ng 3.2% sa $11.671 billion mula $11.317 billion.