NASA 2.68 milyong Pinoy ang walang trabaho noong Agosto, bahagyang mas mataas kumpara sa 2.6 milyon na naitala sa naunang buwan, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon kay National Statistician Dennis Mapa, katumbas ito ng unemployment rate na 5.3% kumpara sa 5.2% noong Hulyo.
Gayunman, year-on-year, ang bilang ng jobless na Pinoy ay mas mababa noong Agosto kumpara sa 3.88 milyon na naitala sa kaparehong panahon noong 2021.
Ang fishing at aquaculture ay nabawasan ng 286,000 trabaho month-on- month noong Agosto, ang pinakamalala sa hanay ng major industries.
Pumangalawa ang construction, sumunod ang arts, entertainment and recreation; human health and social work activities; at real estate.
Sa annual basis, ang agriculture at forestry ang nanguna na may 140,000 trabaho na nawala. Sinundan ito ng fishing and aquaculture, construction, manufacturing, at information and communication.
Sa kabila ng pagdami ng walang trabaho, ang employment ay tumaas pa rin sa 47.87 milyon mula 47.39 milyon noong Hulyo.
Katumbas ito ng employment rate na 94.7% noong Agosto, bahagyang mas mababa kumpara sa 94.8% employment rate noong Hulyo.
“The rise in unemployed persons despite the increase in the employed ones was due to the more Filipinos joining the labor force at 50.55 million in August from 49.99 million in July due to easing of restrictions and entry of younger job seekers,“ paliwanag ni Mapa.
Ang labor force participation rate ay nasa 66.1% mula 65.2% month-on-month. Ito ang pinakamataas na naitala sa pagsisimula ng COVID-19 pandemic.
Samantala, tumaas din ang bilang ng mga Pinoy na naghahangad ng mas maraming work hours o mas magandang job opportunities noong Agosto sa 7.03 milyon, mas mataas ng 548,000 mula sa naunang buwan.
Katumbas ito ng underemployment rate na 14.7%, mas mataas sa 13.8% noong Hulyo.