NASA 10.4% ng pamilyang Pinoy ang nakaranas ng gutom, at wala kahit anuman na makain, kahit isang beses sa nakalipas na tatlong buwan, ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS).
Lumitaw sa survey na inilabas noong Miyerkoles na ang June 2023 hunger rate ay mas mataas kumpara sa 9.8% na naitala noong Marso subalit mas mababa sa 11.8% na naiposte noong December 2022.
Ang 10.4 percent ng pamilyang Pinoy na nakaranas ng gutom ay ang kabuuan ng dalawang values: 8.3 percent na nakaranas ng moderate hunger at 2.1 percent na nakaranas ng severe hunger.
Ang moderate hunger ay para sa mga nakaranas ng gutom ng “isang beses lamang” o “ilang beses” sa nakalipas na tatlong buwan, habang ang severe hunger ay para sa mga madalas na nakaranas ng gutom sa nakalipas na tatlong buwan.
“The 0.6-point rise in Overall Hunger between March 2023 and June 2023 was due to increases in Metro Manila and Balance Luzon, combined with a steady percentage in the Visayas and a sharp decline in Mindanao,” pahayag ng SWS.
Ayon sa pollster, ang insidente ng pagkagutom ay tumaas ng 5.0 points sa Metro Manila (mula 10.7% sa 15.7%) at ng 2.6 points sa Balance Luzon areas (mula 8.7 sa 11.3%).
“The values in the Visayas hardly changed (9.7% to 9:3%) while the rates in Mindanao fell by 5.4 points (11.7% to 6.3%),” sabi pa ng SWS.
Ang survey ay isinagawa mula June 28 hanggang July 1 via face-to-face interviews sa 1,500 adult Filipinos.
Ang sampling error margins ay ±2.5% para sa national percentages, ±4.0% sa Balance Luzon, at tig- ±5.7% sa Metro Manila, Visayas, atv Mindanao.