(Noong Mayo) GOCC SUBSIDIES BUMABA SA P7.38-BILLION

UMABOT sa P7.38 billion ang subsidiya ng pamahalaan sa government-owned and controlled corporations (GOCCs) noong Mayo.

Sa datos ng Bureau of the Treasury (BTr), ang halaga ay bahagyang mas mababa kumpara sa P7.9 billion sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.

Ang National Irrigation Administration (NIA) ang may pinakamalaking natanggap na subsidiya na nagkakahalaga ng P4.22 billion.

Sumusunod ang National Food Authority (NFA) na may P849 million at National Housing Authority (NHA) na may P363 million.

Ayon sa datos ng BTr, ang GOCCs na tumanggap ng mahigit sa P100 million na subsidiya ay kinabibilangan ng Philippine Fisheries Development Authority (PHP319 million), Philippine Heart Center (PHP 271 million), Philippine Rice Research Institute (PHP239 million), Philippine Children’s Medical Center (PHP173 million), at National Kidney and Transplant Institute (PHP125 million).

Sa unang limang buwan pa lamang ng taon ay umabot na sa P37.6 billion ang subdidiya ng pamalaan sa GOCCs.
Ang NIA ang tumanggap ng pinakamalaking subsidiya na nasa P18.28 billion, kasunod ang Power Sector Assets and Liabilities Management Corp. na may P5 billion.

Noong Abril, ang budgetary support para sa GOCCs ay tumaas sa P8.9 billion mula P5.1 billion sa kaparehong panahon noong nakaraang taon ngunit mas mababa sa P10.79 billion noong ­Marso.

-PNA