BUMILIS pa ang inflation rate para sa bigas sa 23.7% noong nakaraang buwan mula 22.6% noong Enero, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Ito na ang pinakamabilis na rice inflation sa loob ng 15 taon o magmula noong February 2009, nang maitala ito sa 24.6%.
Ayon kay National Statistician at PSA chief Claire Dennis Mapa, patuloy na tumataas ang presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado.
“We also have a tight [local] supply,” ani Mapa.
Bukod dito, sinabi ni Mapa na ang mas mabilis na rice inflation ay dahil sa mababang base effect noong Enero hanggang Hulyo 2023, noong ang inflation para sa mabigas ay mababa pa.
“Mababa kasi ang rice inflation last year from January to July. Mababa ‘yung pinanggalingan niya,” aniya.
Sa monitoring ng Statistics agency, ang average prices ng tatlong main rice classes — regular milled, well-milled, at special— ay nagtala ng double-digit year-on-year increases.
Para sa regular milled rice, sinabi ni Mapa na ang average price ay nasa P50.44 kada kilo noong February 2024, tumaas ng 27.2% mula P39.65 kada kilo noong February 2023.
Ang average price ng well-milled rice ay nagtala naman ng 27.1% increment sa P55.93 kada kilo noong nakaraang buwan mula P43.99 kada kilo year-on-year.
Samantala, ang special rice ay may average price increase na 19.5% sa P64.42 kada kilo mula P53.89 kada kilo sa parehong buwan noong nakaraang taon.
“Assuming there’ll be no reduction in price and the movement will continue, we should be expecting high rice inflation until July or August this year,” sabi ni Mapa.