(Noong Pebrero)2.47M PINOY WALANG KAYOD

trabaho

PUMALO sa 2.47 million ang bilang ng mga Pinoy na walang trabaho noong Pebrero, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sinabi ni PSA chief at National Statistician Claire Dennis Mapa na ang bilang ng jobless adults — may edad 15 at pataas — ay mas mataas kumpara sa 2.37 million na naitala noong Enero, ngunit mas mababa sa 3.13 million noong February 2022.

Katumbas ito ng unemployment rate na 4.8%, na parehong lebel month-on-month, subalit mas mababa sa 6.4% unemployment rate year-on-year.

Ang 4.8% unemployment rate ay katumbas ng 48 walang trabaho mula sa 1,000 indibidwal sa labor force.

Sa kabila ng pagtaas ng joblessness, ang bilang ng walang trabaho ay tumaas ng 1.45 million, dahilan upang umakyat ang kabuuang bilang ng employed persons sa 48.80 million mula 47.35 million noong Enero.

Mas mataas din ito sa 45.48 million na may kayod noong February 2022.

Ang employment rate sa nasabing buwan ay nasa 95.2%, parehong level month-on-month at mas mataas sa 93.6% rate year-on-year.

Ipinaliwanag ni Mapa na ang pagdami ng walang trabaho at paglobo rin ng bilang ng employed adults noong Pebrero ay dahil sa paglaki ng labor participation sa 51.27 million mula 49.72 million noong Enero.

Katumbas ito ng labor force participation rate na 66.6%, mula sa 77 milyong Pinoy na may edad 15 at pataas.

Ayon sa PSA chief, ang pagtaas sa labor participation ay naobserbahan magmula pa noong July 2022 sa gitna ng pagbubukas ng ekonomiya at ng pagluluwag ng COVID-19 restrictions.

“In simple explanation, hindi lahat ng nag-join sa labor force ay na-absorb ng ating labor market na nagkaroon ng trabaho,”ani Mapa.

Samantala, bumaba ang bilang ng underemployed persons — yaong mga may trabaho na nagpahayag ng pagnanais na magkaroob ng karagdagang oras ng trabaho o magkaroon ng bago trabaho na may mas mahabang oras ng pagtatrabaho — sa 6.29 million, mula 6.65 million noong Enero.

Mas mababa rin ito sa 6.38 million underemployed na naitala noong February 2022.

Katumbas ito ng underemployment rate na 12.9%, na mas mababa sa 14% na naitala noong February 2022 at sa 14.1% noong January 2023.