HABANG matinding init ang nararanasan sa Metro Manila, binaha naman ang ilang maba-bang lugar sa North Cotabato makaraan ang isang araw na pag-ulan.
Ayon sa Provincial Disaster Risk and Reduction Management Office (PDRRMO) nagpalabas na sila ng babala sa publiko na mag-ingat lalo na sa mga low lying areas sa nasabing probinsiya.
Ayon kay PDRRMO Engineer Arnulfo Villaruz, naiulat ang pagbaha sa ilang bayan sa North Cotabato dahil sa isang araw na patuloy ang pagbuhos ng malakas na ulan simula nitong Martes.
Dahil sa lakas ng pag-ulan at hangin, isang bahay sa Barangay New Cebu, President Roxas ang nasira dahil sa natumbang kahoy kung saan nasugatan ang isang Edmart Nacua na nasa loob ng bahay nang mangyari ang aksidente.
Tumaas din ang lebel ng tubig mula sa mga drainage canal sa Barangay Magsaysay, Kidapawan City at iba pang mga kalapit na lugar sa lungsod.
Maliban dito, umapaw rin sa National Highway ang tubig sa bayan ng Kabacan, Cotabato maging sa merkado publiko.
Kaugnay nito, ayon sa opisyal, sinuspinde na rin ang klase sa Kabacan Pilot Elementary School dahil sa malakas na ulan.
Napag-alaman na ang pag-ulan ay dulot ng Intertropical Convergence Zone.
Samantala, patuloy ang monitoring ng PDRRMO lalo na sa mga residente na nakatira malapit sa ilog at bundok sa posibleng pagbaha at landslide. PILIPINO Mirror Repotorial Team
Comments are closed.