DINOMINA nina Sophia Nicole Novino at Rhian Napoles ang kani-kanilang weight categories sa judo sa 8th Philippine Sports Commission Women’s Martial Arts Festival na ginanap sa Philippine Judo Federation training gym sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex kahapon.
Nanguna si Novino, isang sophomore mula sa National Academy of Sports, sa women’s -44kg division makaraang umiskor ng ippon win (1-0) kontra Mikeighla Louise de Vera ng Baguio Judo Club habang nagkasya sina Gabrielle Lorine Dizon at Princess Maurine Villafranca sa bronze medals.
Ginapi ni Novino sina Villafranca at Dizon sa preliminaries tungo sa finals.
“Hindi po ito first na nakalaban ko si Mike (De Vera). Magaling po siyang kalaban, kaya nagpapasalamat po ako sa aking pagkapanalo,” ani Novino, Grade 8 student sa NAS, ang unang sports academy ng bansa na pinamamahalaan ng pamahalaan.
Nakopo ni Napoles ang -48kg title kontra Mariana Alicia Roces makaraang malusutan si bronze medalist Jamila Abanador sa semifinals habang naghari sina Shanaia Yve Febrer at Jhenica Serrano sa -32kg at -40kg divisions.
Nagpasalamat si Philippine Judo Federation president Ali Sulit sa PSC at kay Commissioner Olivia “Bong’’ Coo sa pagsama sa judo bilang demonstration sport sa WMA Festival.
Ang event ay bahagi ng paghahanda ng bansa para sa 6th Asian Indoor Martial Arts Games sa Bangkok, Thailand sa susunod na taon.
Ang iba pang gold medalists sa judo ay sina Analyn Dino (-52kg), Samara Nina Vidor (-57kg), Maegan Motilla (-63kg), Raphaela Estrada (-70kg) at Francesca Michaela Roces (+70kg).
Sa Rizal Memorial Coliseum ay nagpasiklab sina national wrestlers Jiah Pingot at Grace Loberanes.
Magaan na dinispatsa ni Pingot si Lady May Carabuena ng Mandaluyong City para sa gold medal sa freestyle -53kg senior habang ginapi ni Loberanes si Kimberly Jhoy Bondad sa traditional wrestling 57kg.
Nagwagi rin ng gold sina Cathlyn Vergara (classic 52kg), Mary Jhol Cacal (58kg), Jean Mae Lobo (63kg), junior grapplers Melissa Tumasis (52kg), Nicole Pinlac (58kg), Rhea Cervantes (63kg), Amber Arcilla (57kg) at Nashica Tumasis (freestyle 53kg).
CLYDE MARIANO