BATANGAS- ISANG mataas na opisyal ng New People’s Army at apat na tauhan nito ang kusang sumuko sa mga opisyal ng Batangas PNP at 2nd Battalion Provincial Mobile Force Company nitong Lunes sa Barangay Bilaran, Nasugbu sa lalawigang ito.
Sa pahayag ng tanggapan ni BGeneral Carlito Gaces, Calabarzon PNP Director, ang limang surenderees ay nakipag- ugnayan sa police mobile force para sa kanilang pagbabalik- loob sa pamahalaan at bumalik sa kanilang normal na pamumuhay.
Ang lima ay nakilalang sina Albert Atienza, 31-anyos, regular official ng Southern Tagalog Regional Party Committee ng CPP- NPA; Bryan Enriquez, 37-,anyos ; Enrico Mercado, 52-anyos; Fernando Atienza, 47-,anyos at Fermin Endozo, pawang mga residente ng nasabing bayan.
Ang apat na nabanggit na miyembro ay mga kasapi sa Militia ng Bayan at Samahan ng Magdaragat sa Nasugbu.
Ayon pa sa report si Fernando ay dating Vice President ng SMBA na pawang mga mangingisda ang mga miyembro nito.
Base sa naitalang record ng 2nd Batangas Provincial Mobile Force company, isinurender ng mga sumuko ang isang Smith and Wesson cal.38, 6 na live ammunitions, dalawang 40 .mm grenade, 8 detonating cords, blasting caps, ammonium nitrate para sa pag- gawa ng mga pampasabog at mga kawad.
Ang limang sumuko ayon pa kay General Gaces ay sasailalim sa pagsusuri at orientation para sa aplikasyon nila na mapasama sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program at pagkatapos nito ay mapagkalooban sila ng livelihood assistance ng pamahalaan.
ARMAN CAMBE