(NTC, NPC kinalampag) KASO NG SMISHING LUMOLOBO

Imee Marcos

NANAWAGAN si Senadora Imee Marcos sa National Telecommunications Commission (NTC) at National Privacy Commission (NPC) na agarang aksiyunan ang patuloy na paglobo ng cybersecurity attacks sa publiko sa pamamagitan ng spam messages.

“Paano nasisikwat ng mga ‘smisher’ na iyan ang ating mga mobile number? Kailangang masugpo agad ang puno’t dulo n’yan, at lampas na isang buwan ang nakararaan mula nang maireport ang ganitong mga insidente,” sabi ni Marcos, chairman ng Senate committee on economic affairs.

Ang smishing o SMS phishing ay ang ilegal na pagkuha sa mga personal na impormasyon tulad ng password o credit card numbers gamit ang text messages o mobile data apps, sa pamamagitan ng alok na trabaho, mga premyo o diskwento.

Ipinagbabawal sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act of 2012 ang “unsolicited commercial communications” na itinatago ang pinagmulan ng mga electronic messages at ipinadadala ng walang paunang abiso sa mga pinadadalhan nito.

Bagaman nagpalabas ang telcos ng mga abiso kung paano harapin ang ganitong mga ‘spam message’, hindi kumbinsido si Marcos na sapat na ito para malutas ang problema.

“Dapat makalikha ng isang sistema ang NTC at NPC kasama ang mga telco companies, mga bangko, at online shopping platforms na makakaharang sa spam messages para wala nang makatanggap nito,” giit ni Marcos.

Nanawagan din si Marcos na itigil na ang “walang ingat na pangongolekta ng mga mobile phone number para sa contact tracing, na inililista sa mga nakabuyangyang lang na  papel” bago payagan ang isang tao na makapasok sa mga bangko, mga supermarket at iba pang mga establisimiyento.

“Nagiging daan lang ito para malantad ang publiko sa mga scammer. Kailangang makahanap ang mga business establishment ng mas pribadong pamamaraan ng pagsasagawa ng contact tracing, lalo na para sa mga mobile phone user na walang app para makagawa ng QR codes,” dagdag pa ni Marcos. VICKY CERVALES